ni Ambet Nabus @Let's See | August 5, 2024
May masaya pang mukha ang showbiz sa pagkakapanalo nina Kuyang Roderick Paulate at Maricel Soriano (Maria) sa katatapos lang na LUNA o FAP Awards.
Kapwa hinirang na mga Best Actor at Actress sina Kuyang Dick at 'Nay Maria para sa pinagsamahan nilang In His Mother’s Eyes movie. Nanalo rin si LA Santos bilang Best Supporting Actor for the same movie.
Matatandaang naging great tandem din sina Inay Maria at Kuyang Dick sa mga Regal Films comedy movies nila noon na puro box-office hits.
Sure rin kaming masayang-masaya si Mother Lily sa kanila dahil mga certified babies niya ang dalawa.
Bongga naman ang ipinakitang attitude ni Queenstar for All Seasons Vilma Santos sa naganap na LUNA Awards rites. Ito lang ang bukod-tanging Best Actress nominee na dumalo sa okasyon, kaya’t inakala ng lahat ng nandu’n na siya na ang winner.
Pero si Inay Maria nga ang nagwagi at very calm, sport at proud si Ate Vi sa victory ni Maricel.
Katabi niya sa upuan si Kuyang Dick and as per his speech when he accepted his Best Actor trophy, bongga raw silang nagpa-flashback ni Ate Vi noong mga past years ng FAP o LUNA Awards.
And as for Ate Vi, sinabi naman niyang dumalo siya sa seremonya hindi para umasang mananalo ng award kundi para mag-pay back sa FAP at ipakitang sinusuportahan niya ang industriyang nagbigay ng napakaraming biyaya sa kanya.
“Mahal ko ang industriyang ito. Tumatanaw ako ng utang na loob at ibinabalik ko ang suportang ibinigay nila sa ‘kin,” bahagi pa ng saloobin ni Vilma Santos-Recto.
O ‘di ba, bongga! ‘Yan ang tunay na Queenstar for All Seasons.
Nagbubunyi ang sports world dahil nakakuha ng gintong medalya ang pambato natin sa 2024 Paris Olympics na si Carlos Yulo.
Masayang-masaya nga ang mga Pinoy na nakilala ang bulinggit pero mapusong gymnast na noong nakaraang 2020 Tokyo Olympics ay nagmarka na rin sa naturang sports discipline.
Ito ang kauna-unahang gold medal na nakuha ng Pilipinas sa Paris Olympics at si Carlos nga ang unang Pinoy na nakasungkit nito, following Hidilyn Diaz na siya namang kauna-unahan sa kasaysayan at first Pinay na nagbigay ng gold medal via weightlifting noong 2020.
Asahan na nga natin ang mga ‘epal at paandar’ na nasa posisyon na tiyak ay makikisakay sa tagumpay ni Yulo.
Bukod sa mga sponsors, ang gobyerno ay nangangakong magbibigay ng P10 milyon sa mga mananalo ng gold medal na sana naman ay hindi abutin ng dekada bago maipagkaloob.
Ay, basta mga Ka-Bulgar, napakasaya at nakaka-proud namang talaga na sa gitna ng napakaraming lahi sa iba’t ibang panig ng mundo ay markadung-markado ang pagtaas at pagwagayway ng ating bandila at pagtugtog ng Lupang Hinirang.
Mabuhay!
Meanwhile, nagdadalamhati naman ang showbiz world sa tila pagsunod ni Mother Lily Monteverde sa kayayao lang niyang asawa na si Father Remy.
Ganu'n nga siguro talaga ang buhay, kapag wagas na wagas daw talaga ang pagmamahalan ng couple, madalas na nagsasabay o nagkakasunod din sila maging sa kamatayan.
Para nga ring istorya sa mga movies ng Regal ang pangyayari at nakakalungkot man ang pagyao ng isa sa mga maituturing nating haligi ng showbiz industry, lahat naman ay nagdarasal at naniniwala na nasa mas maganda nang lugar ang mag-asawa.
Marami rin kaming magagandang anekdota at kuwento kasama ni Mother Lily at nagpapasalamat din kami na isa rin ang Regal Films at pamilya ni Mother sa mga naging totoong kaibigan namin sa showbiz.
Ang amin pong taos-pusong pakikiramay sa mga naulila nina Mother Lily at Father Remy Monteverde, kina kapatid Roselle, Meme, Dondon at Coach Goldwin at sa mga apo at lahat ng nagmamahal sa kanila, our sympathies and prayers po.
Comentarios