top of page
Search
BULGAR

'Robocop' Orcullo, hari sa AzBilliards Moneyboard

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | November 7, 2020




Dalawang buwan pa halos ang natitira bago tuldukan ang makasaysayang taon ng 2020 dahil na rin sa pananalasa ng COVID-19 pero sinusian na ni Dennis “Robocop” Orcullo ng Pilipinas ang unang puwesto sa karerang AZBilliards Money Leaderboard.

Anim na korona ngayong taong ito ang naging tulay ng dating hari sa buong mundo ng tumbukang 8-ball para sa unang baytang ng malupit na talaan.

Si Orcullo, 41-taong-gulang mula sa Surigao, ang hinirang na kampeon ng Derby City Classic 9-Ball Banks, Midnight Madness Classic, Scotty Townsend Memorial 10-Ball, Cue Time Shootout Open at 47th Annual Texas 9-Ball Open bukod pa sa pagiging DCC Master of the Table.

May kabuuang $81,950 na ang pumasok sa kaban ni Robocop para sa 2020 at ito ay halos kalahati lang ng naipon ng pumapangalawang si Billy Thorpe ng USA ($51,800) at lalong malayo sa pumapangatlong si Jayson Shaw ng Scotland na may napagwagiang $29,016.

Nasa rekord ni Thorpe, 24-anyos ang titulo ng DCC Bank Pool Ring Game at DCC One Pocket samantalang ang 32-taong-gulang na si Shaw naman ang namayagpag sa Dynamic Billiard Treviso Open at DCC Bigfoot Challenge.

Apat na Pinoy pa ang nakapasok sa unang sampu ng talaan. Ito’y sina dating World Straightpool titlist Lee Van Corteza (4th, $26,000), Zoren James “Dodong Diamond” Aranas (5th, $24,790), Billiards Congress of America (BCA) Hall of Famer Francisco “Django” Bustamante (7th, $19,640) at ang minsan nang naging world 9-ball championship runner-up Roberto “Superman” Gomez (8th, $19,300). Isa pang kinatawan ng lahing-kayumanggi, si Alex "The Lion" Pagulayan na ipinanganak sa Isabela, ang nakaupo sa pangsiyam na puwesto dahil sa kanyang nakulektang $19,300.

Kasama pa sa top 10 sina no. 6 Jung Lin Chang ng Taiwan (hari ng CPBA Champion of Champions at ng Diamond Las Vegas Open) na nakaipon na ng $19,728 at si no. 10 Shane Van Boening ng USA na itinuturing na pangatlo sa pinakamalupit na manunumbok sa boung daigdig ng World Pool Billiards Association (WPA) na nakulekta naman ng $17,300.

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page