ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 4, 2022
Kinoronahan ang Riga ng Latvia bilang pinakaunang kampeon ng 2022 FIBA 3x3 World Tour Cebu Masters kontra sa palaban na top seed Antwerp ng Belgium, 21-19 noong Linggo ng gabi sa SM Seaside City.
Napiling Most Valuable Player si Nauris Miezis matapos ang kanyang pamamayani sa finals at makuha ng Riga ang ikalawang kampeonato ngayong taon matapos ang Montreal Masters noong Setyembre 3.
Nagtapos na may kabuuang 10 puntos si Miezis habang ang mga kakamping sina Karlis Lasmanis ay nag-ambag ng anim, tatlo mula kay Edgars Crumins at dalawa kay Agnis Cavars. Silang apat ay siya ring apat na bumuo ng pambansang koponan ng Latvia na inuwi ang pinakaunang gintong medalya ng 3x3 sa 2020 Tokyo Olympics.
Mag-uuwi ng $40,000 (P2,400,000) ang Riga habang may bagong relos si MVP Miezis. Ito na rin ang pangalawang kampeonato ng Riga sa Pilipinas matapos maghari sa Manila Challenger na ginanap sa SM City Fairview noong Setyembre, 2019.
Dahil sa mainit na pagtanggap ng mga Cebuano sa dalawang araw na palaro, nangako si Ronald Mascarinas ng Chooks To Go na babalik ang World Tour sa Queen City of the South sa 2023. Kahit nabigo ang mga kinatawan ng bansa na Cebu Chooks at Manila Chooks, tuloy pa rin ang laban upang makapasok ang Pilipinas sa 2024 Paris Olympics.
Sa side events, pinahanga ni Piotr Grabowski ng Poland ang mga Cebuano at mga hurado sa Dunk Contest. Nagtala siya ng dalawang perpektong dunk upang daigin ang tambalang Pinoy na sina David Carlos at Miguel Gastador para sa $4,000 (P240,000).
Nagkampeon si Thibaut Vervoort ng Antwerp sa Two-Point Shootout kung saan nagtala siya ng 14 puntos at lampasan sina Mark Jayven Tallo ng Cebu Chooks na may 12 puntos, Steve Sir ng Ulaanbaatar MMC Energy na may 11 puntos at Chico Lanete ng Manila Chooks na may 9 na puntos. Ginawaran si Vervoort ng $500 (P30,000).
Comments