by News @Balitang Probinsiya | Sep. 25, 2024
Aklan — Isang rider ang sugatan nang sumemplang ang kinalululanan niyang motorsiklo kamakalawa sa Brgy. Agbalogo, Makato sa lalawigang ito.
Sa kahilingan ng biktima ay hindi na isinapubliko ng mga otoridad ang kanyang pangalan.
Ayon sa ulat, nawalan umano ng kontrol ang rider, nasa hustong gulang, residente ng nasabing bayan sa pagmamaneho ng motorsiklo kaya sumemplang ito sa kalsada.
Nabatid na nagtamo ng mga sugat sa ulo at katawan ang biktima sa naganap na aksidente.
Agad dinala ng mga saksi ang biktima sa ospital at kasalukuyang inoobserbahan.
16 KOMUNISTANG NPA, SUMURENDER
MISAMIS ORIENTAL – Nasa 16 miyembro ng New People’s Army (NPA) ang sumuko sa pamahalaan kamakalawa sa Cagayan de Oro City sa lalawigang ito.
Para sa kanilang seguridad ay hindi na pinangalanan ng mga otoridad ang 16 na sumurender na komunista na pawang miyembro ng NPA at nag-o-operate sa lalawigan.
Napag-alaman na isinuko rin ng mga komunistang NPA ang mga dala nilang armas, bala sa subersibong dokumento sa mga otoridad.
Ayon sa mga naturang rebelde, nahihirapan na umano silang mamuhay sa bundok kaya sumuko sila sa pamahalaan.
Isinasailalim na sa taktikal na interogasyon ang mga sumukong komunista para matiyak na bukal sa kanilang kalooban ang pagbabalik-loob sa gobyerno.
DRUG TRAFFICKER, NASAKOTE
BOHOL -- Isang drug trafficker ang naaresto sa operasyon ng mga otoridad kamakalawa sa Brgy. Tambangan, Loay sa lalawigang ito.
Hindi na muna pinangalanan ang suspek habang iniimbestigahan ito ng pulisya.
Ayon sa ulat, naaresto ang suspek nang pagbentahan nito ng shabu ang mga operatibang nagpanggap na buyer ng illegal drugs.
Napag-alaman na nakakumpiska ang mga otoridad ng 54 gramo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng suspek.
Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
MAGSASAKA, KINATAY NG MAG-UTOL
ILOILO -- Isang magsasaka ang pinagtataga hanggang mapatay ng magkapatid na kanyang nakaalitan kamakalawa sa Brgy. Palanguia, Pototan sa lalawigang ito.
Ang biktimang nagtamo ng mga tama ng taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay nakilalang si Jeuz Pareno, 27, samantalang ang magkapatid na suspek ay nakilalang sina Jerol, 27 at Joebert Pedregosa, 25, pawang residente sa nasabing bayan.
Ayon sa ulat, habang nag-uusap ay nagkaroon ng pagtatalo si Pareno at magkapatid na Pedregosa hanggang pagtatagain ng mga suspek ang biktima.
Matapos ang pananaga ay nagtangkang tumakas ang magkapatid, pero naaresto sila ng mga nagrespondeng pulisya.
Nakapiit na ang magkapatid na suspek na kapwa nahaharap sa kasong murder.
Comments