News @Balitang Probinsiya | August 16, 2024
Aklan — Isang rider na lasing ang sugatan nang sumemplang ang kinalululanan niyang motorsiklo kamakalawa sa Brgy. Bulwang, Numancia sa lalawigang ito.
Kinilala ang biktima na si Mark Rama, nasa hustong gulang at residente sa nasabing bayan.
Ayon sa ulat, nawalan umano ng kontrol si Rama sa pagmamaneho ng motorsiklo dahil sa kalasingan kaya sumemplang ito sa kalsada.
Nabatid na nagtamo ng mga sugat sa ulo at katawan ang biktima sa naganap na aksidente.
Agad dinala ng mga saksi ang biktima sa ospital at kasalukuyan pa siyang inoobserbahan sa pagamutan.
BEBOT, ARESTADO SA PEKENG YOSI
PALAWAN -- Isang 35-anyos na babae ang inaresto ng mga otoridad nang makumpiskahan ng mga pekeng sigarilyo kamakalawa sa Brgy. 4, Roxas sa lalawigang ito.
Kinilala ang suspek na si Lyra Pacia, residente ng nabanggit na barangay.
Ayon sa ulat, dinakip ng pulisya ang suspek sa labas ng bahay nito habang dinidiskarga ang mga pekeng sigarilyo na nakalulan sa kanyang L-300 van.
Nabatid na nakakumpiska ang pulisya ng 15 karton na naglalaman ng iba’t ibang uri ng mga pekeng sigarilyo.
Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kaukulang mga kaso.
LOLO, KINATAY NG SELOSONG MISTER
ALBAY -- Isang 60-anyos na lolo ang namatay nang pagtatagain ng isang selosong mister kamakalawa sa Brgy. Pinagdapugan, Polangui sa lalawigang ito.
Hindi na muna pinangalanan ang biktima at ang suspek habang nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga otoridad.
Ayon sa ulat, nalaman ng selosong mister na nakikipag-inuman ang kanyang misis sa lolo sa loob ng bahay nito kaya dala ang isang itak ay pumasok ang suspek sa tahanan ng biktima at saka ito pinagtataga hanggang mapatay.
Mabilis na tumakas ang salarin matapos maisagawa ang krimen.
Nagpalabas na ng manhunt operation ang pulisya para madakip ang suspek.
BIKER, DEDBOL SA BUS
PUERTO PRINCESA CITY -- Isang biker ang namatay nang masagasaan ng isang pampasaherong bus kamakalawa sa national highway ng Brgy. Sta. Monica sa lungsod na ito.
Sa ngayon ay inaalam pa ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng biktima.
Ayon sa ulat, mabilis ang takbo ng bus na minamaneho ni Ricky Hugo, nasa hustong gulang kaya nasagasaan nito ang biktimang nakasakay sa kanyang bisikleta sa nasabing lugar.
Dinala pa ng mga saksi ang biktima sa ospital, pero idineklara itong dead-on-arrival.
Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and damage to property.
Comments