top of page
Search
BULGAR

Rider, buwis-buhay sa mga aso sa kalsada

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | July 8, 2023


Isa sa malaking problema ng ating mga ‘kagulong’ sa gitna ng pagmamaneho ay ang biglaang pagtawid ng aso sa kalye.


Hindi na mabilang ang buhay na nawala dahil lamang sa kapabayaan o kawalan ng opisyal na panuntunan hinggil sa aso na masasangkot sa aksidente.


Mataas din ang insidente na ang aso sa kalye ay nasasagasaan ng rumaragasang kotse o truck na ang resulta, karaniwang namamatay ang nasabing hayop. Ngunit ibang-iba sa kaso lulan ng motorsiklo dahil karaniwan ay ang driver o angkas o pareho ang nasasawi.


Siyempre nakalulungkot na may nasasagasaang aso, lalo na kung namatay dahil sa itinuturing nating pamilya ang hayop na tinaguriang man’s best friend pero napakarami kasi ng mga asong nasa kalye na pinababayaan lamang ng may-ari.


Lalo na sa mga probinsya na hindi masyadong busy ang mga kalsada ay karaniwang makikita ang mga aso na natutulog o naglalakad sa kalsada at kusa namang tumatabi sa tuwing may paparating na sasakyan.


Ang problema, hindi araw-araw ay nakahiga lamang ang aso sa kalye dahil may pagkakataong nakikipaglaro sila sa kapwa aso at dito nagkakaroon ng pagkakataong mataranta ang nagmamaneho ng motorsiklo kapag biglang tumakbo o tumawid ang mga ito.


Hindi natin pinupuntirya ang mga aso dahil hindi naman nakakapag-isip ang mga ito para malaman ang susunod na mangyayari kung magtatatakbo sila sa kalye. Ang lahat nang ito ay responsibilidad ng may-ari ng aso na madalas ay galit pa sa mga nakamotorsiklo na nakabangga sa mahal nilang alaga.


Ang masaklap kapag ang ating mga ‘kagulong’ ang nasawi dahil sa pakalat-kalat na aso, madalas ay hindi na matunton o ayaw nang umamin ng may-ari ng aso. Karaniwan ay nagtatakipan pa ang mga magkakapitbahay at paulit-ulit itong nangyayari sa bansa.


Isa sa nasawi dahil dito ay ang 49-anyos na lalaki, residente ng Bgy. New Agutaya, San Vicente nang binabaybay nito pauwi ng bahay ang kahabaan ng Bgy. San Isidro, lulan ng kanyang motorsiklo mula sa Bgy. Alimanguan ng nasabi ring lugar.


Mula sa kung saan ay biglang tumawid ang isang aso na naging sanhi ng kanyang pagsemplang. Agad itong isinugod sa San Vicente District Hospital ngunit idineklarang dead-on-arrival dahil sa tinamo nitong mga sugat, pagkabali ng buto at pagkabasag ng bungo.


Nasawi naman ang 41-anyos na misis na residente ng P.I. Village, Biliran province at sugatan ang kanyang mister nang bigla rin silang sumemplang sa kahabaan ng Larrazabal Village ng nasabing lugar dahil sa pag-iwas sa aso.


Ganito rin ang nangyari sa Tabuk City, Kalinga, na tumilapon ang isang babaeng angkas ng kanyang mister na sumalpok sa isang aso sa kahabaan ng national road ng Bgy. Lucog na naging sanhi ng pagkamatay ng misis at kritikal naman ang nagmamanehong mister.


Sa kahabaan ng national highway ng Sitio Cabacungan, Bgy. Kalubihan, Mandaue City, isang 23-anyos din ang namatay at sugatan ang boyfriend nito habang lulan ng motorsiklo nang biglang umiwas din sa aso.


Napakarami pa ng mga insidente na kinasasangkutan ng aso na naging sanhi ng kamatayan ng napakaraming rider. Marahil, panahon na para mahinto ang hindi na mabilang ng mga nasawi dahil lamang sa kapabayaan ng ilan nating kababayan.


Hindi rin puwedeng wala man lamang mananagot sa naging kamatayan ng rider na sa simula pa ng pagbiyahe nito ay labis ang pag-iingat, pero dahil sa aso na nakakalat sa kalye aksidente ang kinahahantungan.


Sana, umaksyon ang mga lokal na pamahalaan patungkol dito at maging responsable rin naman ang mga may-ari ng aso upang hindi na ito makadagdag sa nangyayaring aksidente na kumukuha sa buhay ng ating mga ‘kagulong’.


May mga umiiral na batas na hinggil sa paghuli sa pagala-galang aso -- ang kailangan na lamang ay ipatupad ito nang maayos.


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page