top of page
Search
BULGAR

Rider at motorista, buwis-buhay dahil sa mga sira-sirang kalsada

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | August 1, 2023

Nakababahala ang ulat na inilabas ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) na sa unang apat na buwan pa lamang umano ng taong 2023 ay umabot na sa humigit-kumulang 4,000 ang aksidente sa motorsiklo.


Napakarami namang sanhi ng mga aksidenteng kinasasangkutan ng motorsiklo ngunit malaking porsyento ng mga ito ay ang maling disenyo at hindi maayos na kalye dahil lamang sa mabagal na pagtugon sa mga sirang kalsada.


Idagdag pa rito ang kawalan ng standard na disenyo at pagtitiyak sa polisiya na dapat ay ligtas ang mga kalsada hindi lamang sa kapakanan ng mga motorista at rider kung hindi maging sa mga commuters.


Hanggang ngayon kasi ay mangilan-ngilan lang naman ‘yang mga ipinatutupad na bukod na daanan para sa mga naka-motorsiklo, ganoon din sa mga nakabisikleta, kaya mas madalas ay magkakasama ang mga ito at ang mga motorista sa iisang kalsada.


Kumbaga, nagkukusa na lamang ang ating mga kababayang tsuper kung paano sila magbibigayan sa kalye para pare-parehong makarating sa paroroonan. Ngunit sa totoo lang ay marami ang nagrereklamo pero wala naman silang magawa kung hindi ang magtiis sa kalagayan ng mga kalsada.


Mismong ang PNP-HPG ay nagbigay ng pahayag kamakailan na kailangang tutukan ng pamahalaan ang tamang disenyo at polisiya na magbibigay garantiya sa kaligtasan sa kalsada.


Hindi biro ang datos na inilabas ng PNP-HPG na umabot sa 4,029 ang naaksidente sa motorsiklo simula lamang Enero hanggang Abril ng taong kasalukuyan kumpara sa 8,342 aksidente sa loob ng isang taon noong 2022.


Patunay ito na hindi talaga ligtas ang ating mga kalsada para sa mga motorista batay na rin sa datos ng PNP-HPG at hindi pa kabilang ang mga nagbibisikleta, pedestrians at iba pang apektado ng iba’t ibang klase ng aksidente.


Sa isang banda ay dapat din nating saluduhan ang PNP-HPG dahil nagpupursige sila na magsagawa ng seminars para sa mga rider at mabuti na ito kesa mag-isip na kastiguhin pa ang mga ito at patawan ng kung anu-anong paglabag para pagmultahin.


Bukod sa tamang pagmamaneho, ang pangunahing ituturo ay disiplina at kasama na rito ang pasensya na huwag mainit ang ulo sa kalsada. Ngunit nais ko lang iparating sa kinauukulan na matagal nang nagpapasensya ang ating mga motorista at tinitiis na lamang ang napakapangit na sitwasyon.


Kung may maayos na daanan o kaya’y may umiiral na polisiya na dapat sundin ay wala namang magagawa ang ating mga motorista lalo na ang mga rider na naoobligang magpalipat-lipat ng linya dahil sa hindi maayos na kalsada at obstruction.


Isa pa sa dapat kalampagin, ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na dapat hindi lamang ang pangangailangan ng private vehicles ang pagtuunan ng pansin dahil hindi na kayang pigilan ang patuloy na pagdami ng motorsiklo sa bansa.


Dapat nang idetermina ng DPWH kung ang safety roads standard na umiiral ay sapat pa rin ba, upang matugunan ito sa susunod na magsasagawa ng mga proyekto patungkol sa lansangan para umakma na sa mga bagong problemang kinakaharap ng mga motorista.


Hindi lang naman pribadong sasakyan ang responsibilidad ng pamahalaan, dapat ay tinitingnan din ang kapakanan ng ibang sektor na gumagamit ng kalsada kabilang na diyan ang tumatawid, nagtutulak ng kariton, nakabisikleta at iba pa.


Hindi rin dapat na pantay ang pagtrato sa private vehicle at sa mga nagmamaneho ng motorsiklo dahil kung ‘yung mga nakasakay sa apat na gulong na may seatbelt at airbag ay namamatay sa aksidente, paano pa kaya ang naka-motorsiklo lang?


Wala naman tayong hinihiling na gawing espesyal ang ating mga ‘kagulong’, ang pakiusap lang naman natin ay huwag makalimutan ang hanay ng mga rider na maisama sa mga pagbabago at kaligtasan sa kalsada na nais tugunan ng pamahalaan.


Sana matanggap natin na kasama na sa kalsada ang libu-libong riders na kaakibat natin araw-araw sa paglago ng ekonomiya at tiyak na dadami pa sa mga susunod na panahon.


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page