ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 17, 2024
Happy National Teachers’ Month! Buo ang ating suporta sa ating mga guro na nagsakripisyo para sa magandang kinabukasan ng kabataang mag-aaral.
Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, patuloy nating pinaiigting ang mga panukalang nakatuon sa kapakanan ng mga guro tulad ng ‘Revised Magna Carta for Public School Teachers’ (Senate Bill No. 2493). Layon nitong itaguyod ang kapakanan ng mga guro na nasa public schools sa pamamagitan ng pagtiyak na mayroon silang sapat na proteksyon at mga benepisyong natatanggap sa gitna ng maraming hamong kinakaharap ng sektor ng edukasyon.
Layong amyendahan ng panukalang batas ang Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670) na naisabatas 58 taon na ang nakakalipas. Sa ilalim ng panukalang batas, na inihain ng inyong lingkod, tutugunan ang mga bago at nananatiling mga hamong kinakaharap ng mga guro sa mga pampublikong paaralan. Layon din nito na tiyaking nirerespeto, pinoprotektahan, at naisasakatuparan ang pagtaguyod sa karapatan ng mga guro.
Ilan pa sa mga probisyon ng nasabing panukala ang pagkakaroon ng mga permanenteng dagdag na benepisyo tulad ng calamity leave, educational allowances, at longevity pay. Nakasaad din sa panukala ang pagkakaroon ng special hardship allowances. Bukod dito, isinusulong din ang mas pinahusay na salary criteria para sa mga guro at ang pagbibigay-proteksyon sa public school teachers mula sa pag-aabono o out-of-pocket expenses. Higit sa lahat, tinitiyak nito na pantay-pantay ang sahod, benepisyo at mga kondisyon ng mga entry-level at probationary na mga guro.
Nakasaad din sa naturang panukala ang pagbawas sa oras ng pagtuturo sa apat mula anim, bagama’t maaaring magtrabaho ng hanggang walong oras ang mga guro kung kinakailangan. Magkakaroon ng karagdagang bayad ang karagdagang oras ng pagtuturo. Katumbas ito ng kanilang regular na sahod at umentong hindi bababa sa 25 porsyento ng kanilang basic pay.
Isinama rin natin ang probisyon ukol sa pagbabawal ng pag-alis sa mga permanenteng guro kung walang due process at sapat na dahilan. Kasama rin sa ating isinusulong ang confidentiality sa mga disciplinary action na ipapataw sa mga guro.
Sa ating pagtugon sa mga hamong bumabalot sa sektor ng edukasyon, mahalaga na maitaguyod ang kanilang kapakanan, lalo na’t hindi matatawaran ang serbisyo nila para sa ating mga kababayan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comentarios