ni BRT @News | September 11, 2023
Umarangkada na ang pagdiriwang ng National Teachers' Month, kasabay nito ang panawagan na taas-sahod.
Ayon kay Miriam Villa Ignacio, pangulo ng Mandaluyong Federation of Public School Teachers Association, nasa humigit kumulang 200 na guro ang nakiisa sa pagdiriwang.
Ilan sa mga hiling nila ang mas mataas na suweldo, pagpapababa ng optional retirement age sa 57, at enactment ng Magna Carta ng public school teachers.
“‘Yung panawagan namin ay ibaba na po ‘yung dapat na mag-retire na si teacher para rin po mapakinabangan naman po ni teacher ang kanyang retirement. Hindi ‘yung at the age of 60, at the age of 65, si teacher ay ipinagbibili na lang ng gamot ang kanilang retirement pay,” ani Villa Ignacio.
Para naman kay Kris Navales, trustee ng Philippine Public School Teachers Association, mahalaga ang pagdiriwang ng Teachers' Month upang mabigyang pansin ang sitwasyon ng mga guro.
"So, ngayon pagpapakita ito ng mga teachers na handa rin kaming kumilos hindi lamang para sa kagalingan o sa learning recovery kundi para sa teachers’ welfare din namin na dapat ding pagtuunang pansin ng ating gobyerno," ani Navales.
Nagsimula ang Teachers' Month noong Setyembre 5 at magtatagal hanggang Oktubre 5.
Comments