ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | May 25, 2023
Sa kasamaang-palad, nasunog ang makasaysayang Manila Central Post Office noong nakaraang Lunes.
Inabot ng 30 oras ang sunog, na nagsimula ng alas-11:41 ng gabi noong Linggo.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nasa P300 million ang tinatayang pinsala dahil sa sunog.
☻☻☻
Idineklarang ‘Important Cultural Property’ (ICP) noong 2018 ang kilalang landmark na dinisenyuhan nina Tomas Mapua at Juan Marcos de Guzman Arellano kasama ang Amerikanong si Ralph Doane noong 1925.
Natapos ang pagtayo ng Manila Central Post Office noong 1926, at pinasinayaan noong 1927.
Base sa Republic Act 10066 o National Cultural Heritage Act of 2009, na nagtakda ng ICP status ng Manila Central Post Office, maaaring tumanggap ang mga ICP ng pondo mula sa pamahalaan para sa proteksyon, konserbasyon, o restorasyon nito.
Ayon sa cultural organization na Renacimiento Manila, naglaan ang National Economic and Development Authority ng P150 million na pondo para sa restorasyon ng gusali, base sa Conservation Management Plan nito na nakumpleto noong 2018.
☻☻☻
Nagagalak din tayo na kinikilala ng liderato ng Lungsod ng Maynila ang halaga ng nasunog na landmark.
Pinatutsadahan ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang mga ispekulasyon na dahil sa sunog ay patatayuan ng mga bagong high-rise private at commercial buildings ang kinatatayuan ng Manila Central Post Office.
Binigyang-diin niya na protektado ang gusali ng ICP status nito at dahil na rin nasa institutional at heritage zone ito ng zoning ordinance ng Manila.
☻☻☻
Mahalagang aspeto ng ating kultura at pagkakakilanlan ang mga built heritage ng ating bansa.
Mahalagang maprotektahan natin ang mga gusaling ito na nag-uugnay sa atin sa ating nakaraan.
Umaasa ako na gawing prayoridad ang restorasyon ng Manila Central Post Office.
Gayundin, nawa'y magsilbing udyok ang nangyari upang maging mas masigasig pa tayo sa pagpapanatili ng iba pa nating cultural asset.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comentarios