top of page
Search
BULGAR

Responsibilidad ng mga tagapaghatid ng balita

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | August 9, 2020



Ang gampanin ng tagapaghatid ng balita sa ating lipunan ay napakahalaga. Sa nakaraang buwan ay naranasan natin ang manatili sa loob ng ating mga tahanan ng mahabang panahon, hindi upang magbakasayon kung hindi dahil pinagbawalan tayong lumabas sanhi ng panganib na dulot ng COVID-19, maliban na lang kung ang paglabas ay kinakailangan.


Marami sa ating mamamayan ang tumutok sa balita upang malaman kung ano ang nangyayari sa labas ng ating mga tahanan. Nang dahil tayo ay umasa sa impormasyon na hatid ng balita ay napakahalaga ng gampanin ng mga mamamahayag at tagapaghatid ng balita para tayo ay updated sa mga nangyayari sa loob at labas ng bansa sa bantang panganib ng COVID-19. Kaya marapat na ang balitang naihahatid sa atin ay ang wasto at totoo lamang.


Nakapaloob ang responsibilidad ng mga tagapaghatid ng balita sa 2007 Broadcast Code of the Philippines. Ang pangunahing layunin ng tagapaghatid ng balita ay iparating sa lipunan ang mga mahahalagang pangyayari. Bukod sa kahalagahan ng mga pangyayaring ito ay mahalaga na ang maiparating na impormasyon sa publiko ay tama.

Ang broadcast media ay nand’yan upang magmasid sa mga nangyayari sa ating bansa at iparating sa bawat mamamayan ang mga usapin para maging alerto ang mga ito sa mga kaganapan sa loob at labas ng bansa. Ang tungkulin nila ay ang iparating sa taumbayan ang mga totoo at balanseng mga balita at opinyon. Ang responsableng pagbabalita at pagkokomentaryo ang totoong sandata ng bawat mamamahayag laban sa mga bumabatikos sa kanila.


Ang karapatan ng mga tagapaghatid ng balita para iparating sa mga tao ang mga totoong nangyayari sa kanilang kapaligiran ay hindi dapat hadlangan. Ang mamamayan ay may karapatang malaman ang mga bagay-bagay na nangyayari sa loob at labas man ng bansa nang sa gayun ay maging bukas ang kanilang mga isipan sa mga usapin at paksa na makaaapekto sa kanilang kapakanan. Ang mga usaping politikal ay dapat na maiparating sa mamamayan dahil sila ang naglalagay ng mga taong inaasahan nilang sila ay pagsisilbihan nang buong katapatan. Kinakailangan lamang na ang mga pahayag na ito ay balanse at may katotohanan at hindi nababago sa pamamagitan ng pagbabawas o pagdadagdag ng impormasyon o detalye tungkol sa nasabing usapin.


Ang lahat nang ipinararating na balita ay marapat lamang na patas, makatarungan at may magandang layunin na iparating kung ano ang tama at may basehang balita. Kaya naman, ang panig ng bawat partido ay nararapat na naipararating upang ganap na maintindihan ng karamihan ang katotohanan sa mga balita (Section 3, Article 1, News and Public Affairs, 2007 Broadcast Code of the Philippines).


Dapat malaman ng mga kabahagi ng mga tagapaghatid ng balita na mahalaga ang dignidad ng tao. Marapat na maging responsable ang mga nagbabalita sa pagpapahayag ng kanilang mga opinyon sa mga bagay-bagay lalo pa’t may kinalaman sa personal na buhay ng tao. Kaakibat ng bawat karapatang magpahayag ng opinyon tungkol sa isang paksa ay ang responsibilidad na maging patas sa lahat ng panig nang maiwasan ang pagkasira ng pagkatao ng tao nang taliwas sa itinakdang proseso ng batas.


Ang mga tsismis at usapang walang basehan ay hindi dapat na gawing balita ng mga tagapaghatid nito. Gayundin na ang dignidad ng mga bata ay marapat na pangalagaan. Ang lahat ng pagkakakilanlan ng mga batang nasangkot sa krimen ay marapat na manatiling lihim. Anumang panayam sa mga bata na sangkot dito ay maisagagawa lamang kung mayroong pagsang-ayon ang kanilang mga magulang (Section 6, Article 3, Coverage Involving Children, Id.)


Ipinagbabawal din sa mga tagapaghatid ng balita ang pagtanggap ng anumang pera, regalo, benepisyo o anumang prebilehiyo para magbigay ng pabor sa tao, grupo o institusyon habang ang mga ito ay nagbabalita. Anumang aksiyon na maaaring maging dahilan para masira ang pampublikong interes o magdulot ng pagkawala ng kredibilidad ng istasyon ay kinakailangang iwasan. (Article 31, Id).


May mga batas tayo na nagpapataw ng kaparusahan laban sa hindi responsable at hindi makatarungang paggamit ng karapatang maghatid ng balita o impormasyon at magpahayag ng sariling opinyon. Kabilang dito ay ang mga kasong Inciting to Rebellion or Insurrection, Inciting to Sedition at Libel na nakatala at binigyang kahulugan sa Articles 138, 142 at 353 ng Kodigo Penal ng Pilipinas. Karaniwan sa mga ito ay ang kasong libelo na ayon sa Article 353 ng nasabing batas. Ang libelo ay ang hayagan at malisyosong pagpaparatang laban sa isang tao ng krimen, bisyo o depekto, maging ito man ay totoo o imahinasyon lamang. Maaari ring ito ay aksiyon, kondisyon, sitwasyon o pagkakataong maaaring maging sanhi ng kasiraan ng isang tao o magdulot ng kalapastanganan sa alaala ng taong namatay na.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page