by Info @Buti na lang may SSS | Feb. 9, 2025
![Buti na lang may SSS](https://static.wixstatic.com/media/2fdd27_5fbee495b990424e9dd6fb0e4ae5384b~mv2.jpg/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_80,enc_auto/2fdd27_5fbee495b990424e9dd6fb0e4ae5384b~mv2.jpg)
Dear SSS,
Magandang araw! Sa ilalim ng bagong batas ukol sa maternity leave o ang Republic Act 11210, ano ang responsibilidad ng employer sa pagbibigay ng benepisyo? At paano ito naiiba sa dating batas? Salamat. — Marian
Mabuting araw sa iyo, Marian!
Para sa inyong katanungan, pinalawig ng Republic Act 11210 o mas kilala sa tawag na 105-day Expanded Maternity Leave Law ang bilang ng araw ng maternity leave.
Sa ilalim ng lumang batas ukol sa maternity leave, 60 araw ang ibinibigay na maternity leave para sa normal delivery at 78 araw naman para sa caesarian delivery. Subalit sa bagong batas, magiging 105 araw na ang maternity leave ng mga nanganak, normal man o caesarian ang delivery. Bukod dito, may opsyon din ang mga nanganak na palawigin pa ito ng karagdagang 30 araw ngunit wala na itong bayad. Nagbibigay din ng karagdagang 15 araw para naman sa mga single mothers.
Samantala, binibigyan naman ng 60 araw na maternity leave ang mga kababaihan na nakunan o sumailalim sa emergency termination of pregnancy.
Nasasaklaw ng bagong batas ang lahat ng kababaihang manggagawa sa gobyerno at pribadong sektor, kabilang na ang nasa informal sector, anuman ang kanilang civil status at legitimacy ng kanilang anak.
Kung dati ay limitado lamang ang maternity benefit sa unang apat na pagbubuntis, ngayon ay wala ng limitasyon ang bilang ng pagbubuntis na mabibigyan ng benepisyo sa panganganak. Makatatanggap ang isang babaeng miyembro ng SSS ng benepisyo sa bawat pagbubuntis nito.
Para sa mga employer, responsibilidad nila na abisuhan ang SSS tungkol sa pagbubuntis ng kanilang empleyado at dapat ay paunang bayaran ang kabuuang maternity benefit sa loob ng 30 araw matapos i-file ang maternity benefit claim application.
Sa ilalim ng bagong batas, nais naming ipaalala na dapat bayaran ng mga employer ang difference sa pagitan ng kabuuang kita ng isang manggagawang babae at ang aktuwal na tinanggap nitong cash benefits mula sa SSS.
Batay sa SSS Circular 2021-004, online na ang filing ng Maternity Benefit Application at Maternity Benefit Reimbursement Application.
Ipinaaalala namin na ang sinumang employer na lalabag sa Expanded Maternity Leave Law ay pagbabayarin ng kaukulang multa na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P20,000 at hindi hihigit sa P200,000.
Maaari rin siyang makulong ng mula anim na taon at isang araw hanggang 12 taon. Hindi na rin sila maaaring maisyuhan ng kaukulang business permit sa pagpapatakbo ng kanilang mga negosyo.
***
Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.
Batay sa SSS Circular 2022-022, maaaring bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran nang hulugan sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.
Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan, at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.
Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.
Comments