top of page
Search
BULGAR

Responsableng tulong ‘di limos para sa mga taong lansangan

ni Ryan Sison @Boses | Nov. 24, 2024



Boses by Ryan Sison

Kung minsan sa kagustuhan natin na makatulong sa kapwa ay agad tayong nagbibigay ng kahit na konting barya sa mga nanghihingi sa atin. 


Kaya naman muling nanawagan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko na huwag magbigay ng limos sa mga batang lansangan, mga homeless o taong walang tirahan at mga miyembro ng Indigenous Peoples’ (IP) groups, na kadalasang dumarami ang bilang tuwing holiday season.


Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, hindi nais ng kagawaran na mabalewala ang diwa ng Pasko. Gusto pa rin nilang magbahagi ng tulong lalung-lalo na sa mga bata, subalit ang responsableng paraan ng paggawa nito ay ang abutin sila, at alisin sila sa mga lansangan.


Ang apelang ito ng DSWD ay alinsunod sa Presidential Decree (PD) No. 1563, kilala rin bilang Anti-Mendicancy Law, na nagbabawal sa pamamalimos at paghingi ng mga charitable donation sa mga lansangan ng mga indibidwal o religious organizations.

Upang maiwasan ang tinatawag na mendicant activities o pagbibigay sa mga nanlilimos, hinimok ni Dumlao ang publiko na magkaloob ng iba pang uri ng tulong, gaya ng pagsasagawa ng organized activities sa pamamagitan ng gift-giving, feeding sessions, medical missions, storytelling sessions at group caroling sa pakikipag-ugnayan sa mga local government units (LGUs).


Sinabi ng opisyal na nais nilang matiyak ang isang ligtas na Christmas experience para sa lahat ng mga bata. Kaya aniya, mahalaga ang paggabay ng mga magulang o guardian sa mga bata na nakikilahok sa mga caroling para masigurong safe at malayo sila sa kapahamakan.


At para sa mga grupo o organisasyong nagsasagawa ng fundraising activities sa pamamagitan ng caroling, hinikayat naman niyang kumuha ng solicitation permits mula sa DSWD kung ang saklaw nito ay sa buong rehiyon o sa buong bansa.


Sinabi niya na ang permit ay dapat makuha mula sa mga concerned LGU para sa fundraising na limitado sa loob ng isang komunidad, lungsod o munisipalidad.


May punto naman ang kinauukulan sa panawagan nilang hindi na dapat tayo magbigay ng limos sa mga kababayan nating homeless, street children, IP groups o katutubo na nagkakalat na rin sa mga lansangan lalo na ngayong nalalapit na ang Kapaskuhan.


Kung minsan ay nagiging hanapbuhay na rin nila na mangatok sa bintana ng mga sasakyang nakahinto sa trapik at nanghihingi ng barya, o sumasampa sa mga bus, jeep at iba pang uri ng public transport at namamalimos sa mga pasahero. Sa halip kasi na matulungan natin sila para matuto na magbanat ng buto ay nagiging tamad at umaasa na lamang sa ating mga limos.


Marahil, mas makabubuting huwag na nga tayong magbigay ng kahit na anong limos bagkus maging responsable tayo sa pagtulong sa kanila.


Kumbaga, gawin natin ang tamang paraan ng pagtulong at pagsuporta sa mga kababayang nangangailangan.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page