ni BRT @News | October 6, 2023
Dinepensahan ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte ang kontrobersiyal na confidential funds ng kanyang tanggapan.
Sa kanyang pagdalo sa ika-122 anibersaryo ng Police Service sa Agusan Provincial Police Office sa Camp Rafael Rodriguez, Butuan City, binigyang diin nito na ang mga kritiko ng confidential fund ay maituturing na tutol sa kapayapaan at kalaban ng bayan.
“Makinig kayo sa lahat ng sinasabi sa palibot n'yo at tandaan n'yo, kung sino man ang kumokontra sa confidential funds ay kumokontra sa kapayapaan. Kung sino ang kumokontra sa kapayapaan ay kalaban ng bayan,” pahayag ni Duterte.
Binigyang diin din ng Bise Presidente na ang mga tao umanong umaatake sa pondong nakalaan para sa peace and order ay mayroong ibang hangarin.
“Anyone who attacks or undermines funds allocated for peace and order is naturally assumed to have insidious motivations. Such actions go against the protection and well-being of the citizenry. Those who seek to compromise the security and development of our nation jeopardize the very fabric of our society and hinder our progress.”
Giit pa ng Bise, kailangang bigyan ng ibayong pansin ang kapayapaan at kaayusan dahil dito aniya aangkla ang pagkakaroon ng kaunlaran at maayos na edukasyon sa mga kabataan.
Maliban sa pagiging Education Secretary, nagsisilbi ring co-Vice Chair ng National Task Force to End Local Terrorist Armed Conflict o NTF-ELCAC si Duterte.
Comments