ni Mai Ancheta @News | July 13, 2023
Tatapatan ng tatlong araw na tigil-pasada ng ilang transport groups ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa July 24.
Ito ang inianunsiyo ng grupong Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers (MANIBELA).
Ayon kay Mar Valbuena, ang tatlong araw na tigil-pasada ay sisimulan sa July 24, 25 at 26 na dadaluhan ng kanilang mga miyembro mula sa Metro Manila, Calabarzon at Central Luzon.
Sinabi ni Valbuena na ito ang paraan nila para iparating kay Marcos ang hinaing ng kanilang sektor at mariing pagtutol sa PUV Modernization Program ng gobyerno.
Nababagalan aniya sila sa aksiyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa ipinangakong rerebyuhin ang franchising guidelines pero hanggang ngayon ay wala pa ring resulta.
"Hanggang ngayon naka-hang pa rin po tayo, pagdating doon sa mga ipinangako sa atin na rerebyuhin po 'yung franchising guidelines, hanggang ngayon nakatiwangwang ito," ani Valbuena.
Marami aniyang ibang grupo ang nagpahayag ng intensiyon na sumama sa tatlong araw na tigil-pasada.
Ang grupo ni Valbuena ay mayroong tatlong libong miyembro sa buong bansa.
Kommentare