Requirements sa kasal ng pinay at foreigner sa Pilipinas
- BULGAR
- Aug 2, 2022
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | August 2, 2022
Dear Chief Acosta,
Ang aking kapatid at ang kanyang kasintahan na British citizen ay nagbabalak na magpakasal sa Pilipinas. Mayroon bang iba o dagdag na requirements na kailangang ipasa ng mapapangasawa ng aking kapatid? Kung oo, ano ito at saan kaya ito maaaring kunin? - Freya
Dear Freya,
Para sa iyong kaalaman, ang iyong suliranin ay tinatalakay ng Executive Order No. 209 o mas kilalang The Family Code of the Philippines. Nabanggit sa Section 21 ng nasabing batas na:
“Art. 21. When either or both of the contracting parties are citizens of a foreign country, it shall be necessary for them before a marriage license can be obtained, to submit a certificate of legal capacity to contract marriage, issued by their respective diplomatic or consular officials.
Stateless persons or refugees from other countries shall, in lieu of the certificate of legal capacity herein required, submit an affidavit stating the circumstances showing such capacity to contract marriage.”
Malinaw na nabanggit sa nasabing probisyon ng batas na kapag ang mga ikakasal o isa sa kanila ay citizen ng ibang bansa, kinakailangan niyang magsumite ng certificate of legal capacity to contract marriage. Maaari itong kunin sa kanilang diplomatic o consular officials at dapat itong ipresenta para mabigyan ng marriage license.
Ang karagdagang requirement na ito ay itinakda para matiyak na mayroon talagang kapasidad at kalayaan na magpakasal ang dayuhan. Importante ito dahil sa ating bansa, isa sa mga essential requisites ng kasal ang “legal capacity of the contracting parties who must be a male and a female.” (Art. 2, Id.) Kung walang legal capacity, kulang ang mga essential requisites ng kasal na magreresulta sa kawalan ng bisa ng kasal. (Art. 4, Id.)
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.
Comments