ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 03, 2021
Mga laro ngayong Linggo – Bren Z. Guiao Convention Center
11:15 AM Pacific Water vs. STAN (WNBL)
1:15 PM Quezon vs. Bulacan
4:00 PM Muntinlupa vs. Taguig
6:00 PM Paranaque vs. Pampanga
BUMALIK sa panalo ang DF Bulacan Republicans matapos talunin ang Paranaque Aces, 100-81, sa Chooks To Go National Basketball League (NBL) Chairman’s Cup 2021 kahapon sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando City, Pampanga. Kinailangan gisingin ng mga reserba ng Republicans ang mga kakampi upang makamit ang kanilang ika-apat na panalo sa limang laro habang bumaba sa 0-2 ang Aces.
Hawak ng Bulacan ang 10-9 na lamang subalit biglang umarangkada oras na ipinasok sina Ron Camua at Jerick Sumampong na nagsama para sa 15 puntos at ibigay sa Republicans ang first quarter, 29-19. Bumagal ang dating ng puntos sa third quarter ngunit binuhay muli ito nina Sumampong at Dominick Fajardo sa fourth quarter hanggang umabot ng 28 ang lamang, 100-72, at 2:37 ang nalalabi.
Lamang ang Republicans sa buong 48 minuto at namuno si Fajardo 19 puntos at sinuportahan siya nina Sumampong na may 13 at Ryan Spencer Operio na may 12 puntos. Nabawasan ang pait ng talo ng Bulacan noong nakaraang linggo sa Muntinlupa Water Waters, 85-103, na binahiran ang kanilang dating perpektong 3-0 kartada.
Susubukan ng Bulacan na walisin ang kanilang dalawang laro sa pagharap sa hamon ng Quezon Barons ngayong araw simula ng 1:15 p.m. habang pagbawi ang nasa isip ng Paranaque sa laro nila kontra sa Pampanga Delta sa 6:00 ng gabi. Sa gitna ng dalawang laro ay magkikita ang Taguig Generals at Muntinlupa Water Warriors sa 4:00 ng hapon.
Sa pinagsabay na Women’s National Basketball League (WNBL) 2021, naitala ng Taguig Lady Generals ang kanilang ikalawang tagumpay matapos pabagsakin ang walang panalong STAN Quezon Lady Spartan, 58-50. Patuloy pa rin hahanapin ng Lady Spartan ang kanilang unang panalo ngayong araw laban sa wala din panalong Pacific Water Queens simula 11:15 ng umaga.
Bumida muli si Tin Capilit sa kanyang dalawang mahalagang buslo papasok sa huling dalawang minuto upang ibalik sa Taguig ang siyam na puntos na lamang, 56-47.
Comentarios