ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 30, 2022
Lalong iinit ang karera sa 2022 National Basketball League (NBL) President’s Cup handog ng Converge ngayong Sabado, Abril 30, sa pagharap ng numero unong Pampanga Delta sa bisitang Quezon Barons sa Bren Z. Guiao Convention Center simula 6 p.m. Sisikapin din pagbutihin ng DF Bulacan Republicans at Laguna Pistons ang kanilang pag-asa na mapabilang sa semifinals sa laro nang 4 p.m.
Aasa muli ang Delta sa mahusay na laro ni Michael Jeffrey Garcia na napiling Krooberg Best Player sa tatlo ng kanilang apat na tagumpay. Maliban kay Garcia, malaki ang kontribusyon nina CJ Gania, Jake Munoz , Ronan Santos at Karl Sampang sa tinatamasang tagumpay.
Kilala ang Quezon sa mataas na puntusan sa likod nina Domenick Vera, Christopher Lagrama, Arvine Calucin, Casper Pericas, Alex Ramos at Arjay Dongog na gumagawa ng tig-10 o higit pang puntos bawat laro. Ginulat ng Barons ang Taguig Generals noong nakaraang linggo, 89-87, para sa unang talo ng Generals.
Halos isang buwan ang naging pahinga ng Republicans na huling naglaro noong Abril 3 at binigo sila ng Taguig, 103-91. Lumasap ang Pistons ng 79-94 talo sa kamay ng Delta noong Sabado.
Matindi rin ang handog ng kasabay na 2022 Women’s National Basketball League (WNBL) sa banggaan ng numero unong Taguig Lady Generals at pumapangalawang PSI Air Force Lady Air Defenders sa 2 p.m. Malinis ang kartada ng Taguig sa limang laro habang ganado ang Air Force matapos magwagi sa huling apat na laro.
Samantala, bubuksan ang araw ng susunod na henerasyon ng basketbolista sa unang apat na laro ng 2022 NBL Youth simula 8 a.m. Sisimulan ang aksyon sa Under-14 ng Cabuyao Titans kontra Emeralds Academy at susundan agad ng Pampanga Junior Delta laban sa San Pedro LDG sa 9:15 p.m.
Comments