ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | March 27, 2021
‘Ika nga ng ating Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal, ang kabataan ang pag-asa ng bayan.
Kung gayun, hindi dapat sila isinasantabi — hindi dapat sila binabalewala at dapat binibigyang-pagkakataong makapaglingkod at tumulong sa pagpapaunlad ng ating bayan.
At ang tanging paraan, bigyan sila ng pagkakataong tuparin ang mga adhikaing ito.
Bilang chairman ng Committee on Youth sa Senado, masigasig nating itinutulak ang panukalang nagpapalakas sa kapangyarihan ng Sangguniang Kabataan (SK). Sa pamamagitan niyan, masisiguro nating sila ay diringgin, kikilalanin at maikakatawan sa bawat pagpupunyagi ng ating bansa.
Sa ating konsultasyon sa iba’t ibang sangay ng gobyerno at mga pribadong sektor, binigyang-diin ang kahalagahan ng kabataan, lalo na bilang bahagi ng elektorado at ang kakayahan nila sa pagpapalakas ng ating lipunan.
Ano nga ba ang dapat baguhin sa umiiral na batas ng Sangguniang Kabataan?
Marami tayong natatanggap na reklamo mula sa SK officers dahil base sa kasalukyang batas, ang mga SK staff tulad ng SK Secretary, SK treasurer na nagpapakapagod sa pagtratrabaho ay wala palang natatanggap na anumang kompensasyon.
Sa ating panukala, papayagan natin ang SK na gamitin ang ilang bahagi ng kanilang pondo upang may maipangsuweldo o maipang-allowance sa mga nabanggit nating opisyal.
Upang mas maliwanag, sa ilalim ng ating panukala, bibigyan ng buwanang honoraria ang SK members mula sa SK Funds [CAA1]. Ang prosesong ito ay isasailalim sa panuntunang ipinatutupad ng DBM.
Kailangan ding ang alokasyon ay hindi hihigit sa 25% ng kabuuang pondo na inilaan sa SK. Sa pamamagitan naman ng local ordinance ng local government unit, ang kanilang SK chairman, maging ang mga tauhan nito ay maaari ring tumanggap ng karagdagang honorarium mula sa kanilang pamahalaang lokal.
At dahil kritikal ang posisyon ng SK Treasurer, mayroon tayong karagdagang kuwalipikasyon. Dapat nakapagtapos ito ng alinman sa mga kursong ito: Business Administration, Accountancy, Finance, Economics at Bookkeeping. At lahat ng SK Treasurers ay inaatasan munang mag-training ng Bookkeeping sa TESDA bago tuluyang umupo sa puwesto.
Tungkol naman sa mga panuntunan sa SK Funds, dapat targeted ang paggagamitan nito tulad ng student stipends, books, educational allowances at iba pang may kinalaman sa pag-aaral ng estudyante.
Sa ilalim pa rin ng ating panukala, may mga dagdag-pribilehiyo ang SK officials tulad ng: Hindi na sila kailangang kumuha ng anumang National Service Training Program o NSTP; may civil service eligibility sa kondisyong natapos ng opisyal ang kanyang buong termino.
Anumang reporma sa ating lipunan ay hindi natatapos sa iglap. Mahabang proseso ito na kung susuriing mabuti — parang walang katapusan at marami pang dapat tutukan. At isa ang sektor ng kabataan sa maaaring umagapay sa atin tungo sa tagumpay at maunlad na bayan sa darating na panahon.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City
o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Comments