top of page
Search
BULGAR

Reporma sa sektor ng edukasyon, tuloy sa bagong kalihim

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 1, 2024


Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Bilang chairman ng Committee on Basic Education sa Senado, umaasa tayong mas lalalim pa ang pakikipag-ugnayan ng ating tanggapan sa Department of Education (DepEd), lalo na’t nailuklok na bilang kalihim ng DepEd ang ating seatmate at naging kapwa senador na si Secretary Sonny Angara.


Kabilang ang inyong lingkod sa mga may-akda ng Proposed Senate Resolution No. 1070 na binibigyang pugay si Sec. Sonny Angara para sa kanyang serbisyo sa mga Pilipino bilang isang senador at sa pormal niyang pagkakaluklok bilang kalihim ng DepEd noong Hulyo 19.


Kaya naman makakaasa ang ating mga magulang, guro, kawani at lalo na ang mga kabataang mag-aaral na magagampanan ng bagong kalihim ang mga tungkulin at responsibilidad sa sektor ng basic education dahil sa ipinakita niyang husay at katapatan sa panunungkulan sa loob ng mahabang panahon bilang mambabatas. Bilang kampeon ng edukasyon, isinulong niya ang mga batas na nagtataguyod sa kapakanan ng mga mag-aaral.


Marami na tayong nasimulang mga makabuluhang reporma pagdating sa sektor ng edukasyon kasama ang kalihim. Ipagpapatuloy lang natin ang pagsusulong ng mga polisiya at panukalang batas para sa reporma sa sektor ng edukasyon.


At ngayong kabubukas ng School Year 2024-2025, hinihimok ng inyong lingkod ang naturang kagawaran na tiyakin ang epektibong pagpapatupad ng MATATAG Curriculum, kabilang ang kahandaan ng mga guro at ang pagkakaroon ng mga dekalidad na learning materials. 


Dapat ay magkaroon ng ugnayan sa pagitan ng MATATAG curriculum at pre-service training o ang pagtuturo sa mga guro sa kolehiyo. Upang mangyari ito, kinakailangang tiyaking nagagampanan ng pinatatag na Teacher Education Council (TEC) ang mandato nito. Sa ilalim ng Excellence in Teacher Education Act (Republic Act No. 11713), mandato sa TEC na iangat ang kalidad ng mga programa para sa teacher education at magtalaga ng mga pamantayan para sa mga teacher education programs.


Matagal nating hinintay ang paglunsad ng MATATAG curriculum at ngayong sisimulan na natin ang pagpapatupad nito, mahalagang ibigay natin sa ating mga guro ang suportang kinakailangan nila. 


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page