top of page
Search
BULGAR

Reporma sa kurikulum, sagot para sa dekalidad na edukasyon

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | December 15, 2020



Ayon sa global assessment na Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM) 2019 na isinagawa ng Southeast Asian Ministers of Education Organization (SEAMEO) at ng United Nations Children’s Fund (UNICEF), 10 porsiyento lamang ng mga Grade 5 Filipino students ang may sapat na kakayahan sa pagbabasa (reading) upang makatuntong sa high school. Iilan lang din ang may sapat na kakayahan sa Matematika para makarating sa high school. Nasa 17 porsiyento lang ito, habang isang porsiyento lamang ang may kakayahang sumulat nang malinaw at may malawak na bokabularyo.


Pinapaalala ng resultang ito ang kinalabasan ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA) kung saan sa 79 bansa, ang Pilipinas ang may pinakamababang marka pagdating sa Reading Comprehension. Pilipinas din ang pangalawang pinakamababa pagdating sa Science at Mathematics.


Sa madaling salita, hindi talaga sapat ang kakayahan ng marami sa ating mga mag-aaral na nasa elementarya na tumuntong ng high school. Lalo tayong dapat magsulong at magpatupad ng mga reporma sa sistema ng edukasyon sa bansa — mula sa guro hanggang sa ating kurikulum upang masigurong natututo at hindi napag-iiwanan ang kabataang mag-aaral.


Sa ilalim ng programang Sulong EduKalidad ng Department of Education (DepEd) na layong i-angat ang kalidad ng edukasyon sa bansa, gumagamit ang kagawaran ng mas pinasimpleng kurikulum sa ilalim ng Most Essential Learning Competencies (MELCs) na layon ding tugunan ang mga hamon ng pandemya ng COVID-19. Sa kasalukuyan, patuloy ang pagrepaso ng DepEd sa kurikulum na inaasahang matatapos sa 2021. Ang komplikadong kurikulum ay itinuturing na isa sa mga dahilan kung bakit hirap ang mga mag-aaral pagdating sa pagbabasa, pagsusulat at sa Matematika.


Bukod dito, labis ding mahalaga ang pagtuturo sa 4Cs: Critical Thinking, Creative Thinking, Collaboration at Communication.


Isinusulong din natin ang pagreporma sa edukasyon ng mga guro. Upang maiangat ang kalidad ng kanilang edukasyon, inihain ng inyong lingkod ang Senate Bill No. 1887 o ang Teacher Education Council Act.


Sa naturang panukalang-batas, maihahanda ang mga guro bago sumabak na magturo sa klasrum sa pamamagitan ng pagsasanay o ang tinatawag na pre-service education. Layon din nitong paigtingin ang ugnayan sa pagitan ng DepEd at Commission on Higher Education (CHED).


Ang Teacher Education Council (TEC) ang magbibigay ng accreditation sa mga programa para sa edukasyon ng mga guro para matiyak na angkop ang mga ito sa mga tinatawag na professional standards na dapat aprubado ng DepEd at TEC.


Dahil sa mga naging pinsala ng kasalukuyang pandemya, ipinapanukala rin natin na kailangang maglatag ng plano ang TEC para matiyak ang pagpapatuloy ng edukasyon sa tuwing may krisis at sakuna, kabilang na ang pagtataguyod sa kapakanan ng mga guro at school heads.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page