top of page
Search
BULGAR

Reporma sa edukasyon, isulong dahil sa lumalalang ‘learning poverty’

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | December 03, 2021



Nakababahala ang ulat ng World Bank na nagsasabing lumala ang “learning poverty” sa bansa kung saan ito ay umabot na sa 90 porsiyento. Kapag sinabing “learning poverty”, ito ay kapag hindi marunong magbasa at umunawa ng simpleng kuwento ang bata sa edad na sampu.


Sinasalamin ng bagong naitalang learning poverty ang datos mula sa 2019 Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM), isang assessment report sa buong rehiyon.


Noong 2019, ang learning poverty na naitala sa bansa ay halos 70 porsiyento batay sa resulta ng 2003 Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS) na isa ring international assessment.


Kung ihahambing sa face-to-face classes bago sumiklab ang pandemya ng COVID-19, mas nahihirapan ang mga mag-aaral sa distance learning, ayon sa ulat ng World Bank. Sa ulat na pinamagatang “Remote Learning During COVID-19: Lessons from Today, Principles for Tomorrow,” tinatayang 20 porsiyento lamang ng sambahayan sa bansa ang saklaw ng distance learning buhat noong Marso 2021, tulad ng naitala sa Ethiopia. Ito na ang pinakamababang porsiyentong naitala sa mga bansang saklaw ng ulat.


Ipinakikita nitong ulat na dapat bigyang-prayoridad ang ligtas na pagbubukas ng mga paaralan para sa face-to-face classes. Kasabay ng pagbubukas ng mga paaralan, ipinapanukala ng inyong lingkod ang pagkakaroon ng learning recovery program.


Sa ating Senate Bill No. 2355, ipinapanukala dito ang pagbuo sa Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program, isang tutorial program, na saklaw ang tinatawag na most essential learning competencies sa Language at Mathematics para sa Grade 1 hanggang 10, at Science para sa Grade 3 hanggang 10. Layon ding tutukan ng panukalang programa ang Pagbasa o Reading.


Nais din nating bigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapatupad ng mga repormang mag-aangat sa kalidad ng edukasyon sa pamamagitan ng panukalang Second Congressional Commission on Education o EDCOM 2. Layon naman ng naturang komisyon na repasuhin ang buong sektor ng edukasyon sa bansa.


Ibinahagi rin ng World Bank na kung ihahambing sa mga sambahayang may mga magulang na nakatuntong sa kolehiyo, mas mataas ng tatlo hanggang apat na beses ang posibilidad na hindi lalahok sa distance learning ang mga batang may magulang o guardian na hindi nakapag-aral.


Nakababahalang malaman na siyam sa bawat sampu sa kabataang may edad na sampu ang hindi nakakapagbasa, lalo na’t nagsisilbi itong pondasyon ng kanilang kakayahan. Kung hindi natin ito matutugunan, lalong mapag-iiwanan ang kabataan.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, ito ang mariing tinututukan ng inyong lingkod.



 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page