ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | October 27, 2020
Sa kabila ng malaking hamon sa sektor ng edukasyon ngayong new normal, dapat siguruhing may sapat na kaalaman, pagsasanay at kahandaan ang mga guro na naaangkop sa pangangailangan ng mga mag-aaral upang maiangat din ang kalidad ng edukasyon na natatanggap ng mga bata.
Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, inihain ng inyong lingkod ang panukalang-batas na Senate Bill No. 1887 upang mas mapahusay pa ang kalidad ng edukasyon ng mga guro sa pamamagitan ng mga reporma sa Teacher Education Council o TEC. Matatandaang nabuo ang TEC noong 1994 sa pamamagitan ng Republic Act No. 7784 upang i-angat ang kalidad ng edukasyon ng mga guro sa bansa.
Layon ng naturang panukala na amyendahan ang kasalukuyang batas upang mas mapatatag ang TEC at magkaroon ng mas maayos na koordinasyon sa pagitan ng Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED).
Napapanahong suriin ang kalidad ng edukasyon ng mga guro kasunod na rin ng mababang passing rate ng mga kumuha ng Licensure Examination for Teachers (LET) nitong nagdaang mga taon. Halimbawa, mula 2014 hanggang 2019, ang average passing rate sa LET ng mga guro sa elementary level ay wala pang tatlumpung porsiyento at wala pang apatnapung porsiyento naman sa secondary level.
Ito marahil ang malaking dahilan kung bakit sa 79 na bansa, ang mga mag-aaral natin ang nakakuha ng pinakamababang marka sa Reading Comprehension at pangalawang pinakamababa sa Science at Mathematics sa 2018 Programme for International Student Assessment o PISA.
Sa naturang panukalang batas, maihahanda ang mga guro bago sumabak na magturo sa klasrum sa pamamagitan ng pagsasanay o ang tinatawag na pre-service education.
Sa ilalim ng panukalang-batas, ang TEC ang magbibigay ng accreditation sa mga programa para sa edukasyon ng mga guro upang masigurong angkop ang mga ito sa mga tinatawag na professional standards na dapat aprubado ng DepEd at TEC. Kapag naisabatas ito ay imamandato sa TEC ang pagsuri sa mga Teacher Education Institutions o TEIs.
Isinusulong din ng panukalang-batas ang pagkakaroon ng iba’t ibang tanggapan ng TEC para mas patatagin ang sistema ng naturang programa. Isa na rito ang Research and Training Office na magsasagawa ng mga pananaliksik. Magiging bahagi na rin ng TEC ang mga pinuno ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), National Economic and Development Authority (NEDA) at ang Philippine Normal University (PNU) na tinaguriang national center for teacher education.
Dahil sa mga naging pinsala ng kasalukuyang pandemya, ipinapanukala rin natin na kailangang maglatag ng plano ang TEC para matiyak ang pagpapatuloy ng edukasyon sa tuwing may krisis at sakuna, kabilang na ang pagtataguyod sa kapakanan ng mga guro at school heads.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments