ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 13, 2023
Habang naging matagumpay ang pagbabalik ng face-to-face classes pagkatapos ng tatlong taong pagsailalim sa online o blended learning dulot ng COVID-19 pandemic, patuloy pa rin ang krisis na bumabalot sa sektor ng edukasyon. Kaya naman hinihimok ng inyong lingkod ang pamahalaan na patuloy na bigyang prayoridad ang pagsulong ng mga repormang tutugon sa krisis sa sektor.
Bagama’t nananatiling may mga pagsubok, nakagagalak na ganap nang naipapatupad ang Excellence in Teacher Education Act (Republic Act No. 11713). Sa Basic Education Report 2023, ibinahagi rin ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte-Carpio na magsisimula na ang Teacher Education Council o TEC sa pagtupad ng mga mandato nito.
Ang naturang batas na iniakda at isinulong ng inyong lingkod noong 18th Congress ay naglalayong iangat ang kalidad ng edukasyon sa pamamagitan ng pagtatatag ng TEC.
Nakasaad din ang mandatong ito sa Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028.
Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, patuloy tayong makikipag-ugnayan sa administrasyon sa pagtugon sa mga prayoridad nito, kasama na ang pagrepaso sa programa ng K to 12. Kasalukuyang pinamumunuan natin ang pagrepaso ng Senado sa pagpapatupad ng Enhanced Basic Education Act of 2013 o ang K to 12 Law (Republic Act No. 10533) sa ilalim ng Proposed Senate Resolution No. 5.
Ang inaasahang resulta ng pagrepaso sa K to 12 curriculum ay upang iangat ang performance ng mga mag-aaral. Kung matatandaan natin, hindi naging maganda ang resulta ng mga large-scale assessment tulad ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), kung saan ang Pilipinas ang nakakuha ng pinakamababang marka sa Reading at pangalawang pinakamababang marka sa Science at Mathematics sa 79 na bansa.
Dahil nagdulot ng learning loss ang kawalan ng face-to-face classes, mahalaga ang pagpapatupad natin ng epektibong programa para sa learning recovery. Mabuti’t inaprubahan na ng Senado sa huli at ikatlong pagbasa ang ARAL Program Act (Senate Bill No.1604) — ang inihain nating panukalang batas para maisulong ang learning recovery.
Mahalagang ipagpatuloy ng ating pamahalaan ang pagpapatupad ng mga reporma nang sa gayon ay maipaabot natin sa kabataang Pilipino ang dekalidad na edukasyon.
Kasama ang Senate Committee on Basic Education at ang Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) sa pag-abot natin nito.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Commentaires