ni Lolet Abania | December 3, 2020
Inilibing na ngayong Huwebes ang napatay na anak ni Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat na si Jevilyn Cullamat.
Ayon sa kongresista, si Jevilyn na pinakabata niyang anak ay inihatid sa huling hantungan bandang alas-2 ng hapon ngayong araw, na pinangunahan ng iba pa niyang anak, apo at mga kapatid.
Ngunit hindi naihatid ng mambabatas sa huling hantungan ang anak at nagdesisyon itong huwag munang umuwi sa kanilang tirahan dahil sa banta sa kanyang seguridad.
"Nakakalungkot at masakit sa akin bilang isang ina na hindi na makita kahit sa huling sandali ang aking bunso, pero nagdesisyon ang aking pamilya na hindi na ako pauwiin para sa libing dahil sa seryosong banta sa aking seguridad at buhay," sabi ni Cullamat.
"Kahit na miyembro ako ng Kongreso, walang katiyakan na ligtas akong makakadalo sa libing ng anak ko dahil sa mga bantang ito," dagdag niya.
Si Jevilyn ay namatay noong November 28 matapos ang isang 45-minutong engkuwentro sa 3rd Special Forces Battalion ng Philippine Army sa Barangay San Isidro sa Marihatag, Surigao Del Sur, kung saan kinilala at kinumpirma ng siyam na dating rebelde.
Nagsilbing medic si Jevilyn ng New People's Army (NPA) at sinasabing kabilang sa Communist NPA Terrorist na Sandatahang Yunit Pampropaganda Platoon of the Guerilla Front 19, Northeastern Regional Committee.
Comments