top of page
Search
BULGAR

Renz Inocencio, aming munting santo

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Nov. 4, 2024



Fr. Robert Reyes

Umulan man o umaraw, lagi siyang dumarating bago mag-ika-7 ng umaga. Hindi siya maaaring mahuli para sa misa. Naroroon na siya sa isang sulok ng sakristiya, suot na ang kanyang sutana, handang-handa nang maglingkod sa Eukaristiya ng ating Panginoon. 


Darating akong sinasalubong ng kanyang inosenteng ngiti, itong batang si Renz na tama lang na ang Inocencio ang apelyido. 


“Renz Inocencio, magandang umaga!” malugod na bati natin sa kanya. “Good morning po,” sagot ng bata. “Dasalin na natin ang panalangin bago maglingkod sa misa,” tugon naman sa kanya. 


Kasunod noon, marahan kaming tutungo sa likod ng altar at maghihintay ng hudyat. At kasabay ng pagkanta ng pambungad na awit, tutuloy sa altar, magge-genuflect sa tabernakulo, hahalik sa altar at tutungo sa ambo, samantalang tutungo naman si Renz sa upuan ng mga sakristan sa ibaba.


Aakyat na si Renz sa altar pagkaraan ng unang bahagi ng misa, ng Liturhiya ng Salita para sa Liturhiya ng Eukaristiya. At mula noon hanggang katapusan ng misa, pabiro nating laging ikinukuwento, hindi na sa pari kundi kay Renz na ang tingin ng lahat ng mga nagsisimba. Bakit? Pari man ang namumuno sa misa, kakaiba ang dating ng batang nakangiti at tila tuwang-tuwa sa kanyang ginagawa. Wagas at buong saya ang inosenteng bata. Anong hihigit pa sa kagalakang tila hulog mula sa langit? Hindi ba’t ito ang tinutukoy ni Papa Francisco sa kanyang unang liham, “Evangelium Gaudium”? 


Isang sentrong prinsipyong inilabas ng Pope tungkol sa lugar ng galak sa buhay Kristiyano. “Walang Kristiyanong malungkot. Taliwas ito sa ebanghelyo. Kapag tinanggap ng Kristiyano ang Espiritu ng Diyos sa kanyang puso, pupuspusin siya nito ng Kanyang Kagalakan!”  


Anumang ebanghelyo ang basahin niya, iisa lang ang makikitang mensahe sa mukha ni Renz, “magalak kayo, naririto si Kristo! Walang dapat ikatakot. Walang dapat alalahanin. Meron o walang bagyo. Meron o walang makain. Meron o walang trabaho. Mapayapa o maligalig ang paligid. Basta’t naririto siya, magsasaya ako! Basta’t kasama ko si Kristo!”


Noong nakaraang Lunes, Oktubre 28, inanunsyo ni Pope Francis ang pangalan ng 14 na magiging santo sa darating na taon ng Hubileo 2025. Isa rito ang 15 taong gulang na si Carlo Acutis, na araw-araw nagsisimba’t buong galak tumanggap ng komunyon dahil para sa kanya, “Ang Eukaristiya ang aking ‘highway’ patungong langit.” 


Hindi nagtapos doon, dahil sa mahusay siyang ‘web designer’ pinalaganap ni Carlo ang mga Milagro ng Eukaristiya at mga Pagpapakita ng Mahal na Birheng Maria. Nakilala rin siya sa pagbabahagi ng kanyang allowance na tinitipon niya upang ibahagi sa mga pulubi, nagugutom at mga migrante. Namatay sa leukemia si Carlo noong Oktubre 12, 2006.


Noong Enero 23, 2019 hinukay ang labi ni Carlo at ito ay buo at hindi naaagnas. Inilipat sa Assisi ang kanyang hindi nabulok na labi noong Abril 6, nang taon ding iyon.

Magiging Santo Carlo Acutis na ang munting Carlo.


Salamat sa internet at sa kanyang galing sa “web designing” nakilala si Carlo. Kaya’t sabi ng Papa na maaaring gawing “Patron ng Internet” ang batang santo, pinakaunang “millennial saint.” Ngunit, alam ng lahat na meron o walang internet, araw-araw naroroon si Carlo sa harapan ng Santisimo Sakramento upang tagpuin ang kanyang pinakamamahal na Panginoon.


Dito sa aming Parokya ng Ina ng Laging Saklolo sa Project 8, meron din kaming munting santo, ang aming mahal na si Renz Inocencio na kinuha ng Panginoon noong ika-25 ng Oktubre sa murang edad na 11. Salamat sa hindi namin malilimutang halimbawa ng iyong walang kupas na galak sa harap ng Panginoon.


Salamat sa iyong tapat at walang palyang paglilingkod na iyong ibinigay na walang inaasahang kapalit. Salamat sa iyong buhay na panalangin ng paghahanap sa Panginoon na tulad ni Carlo na naglalakbay araw-araw tungong langit sa harap ng Eukaristiya. 

Marahil, para sa iyo Renz, isang saranggola ang Eukaristiya na iyong minamasdang tumaas patungong langit hanggang sa ito ay tuluyang umalagwa’t dumapo sa kamay ng Panginoon. Naroroon na nga, Renz, sa Kanya ang saranggola. Umalagwa na, ngunit sa halip na luha ng hapis, tawa at halakhak ng galak ang pabaong hulog nito sa mga nakatingalang naghihintay bumalik pa ang saranggola.


Paalam Renz, kasama mo na si nanay, tatay at si Kuya Carlo. Itinuro mo sa aming laging ngumiti’t magalak dahil tunay ngang hindi Siya lumalayo. Mula sa Eukaristiya hanggang sa mga lansangan, naroroon, laging naroroon Siya!


Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page