ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Pebrero 24, 2023
Marami sa ating mga kababayan ang walang maayos na tirahan. Ayon sa Habitat for Humanity Philippines, sa Metro Manila pa lang ay mahigit apat na milyong Pilipino na ang hindi maganda ang kondisyon ng tinitirahan, na mas pinalala pa ng pandemya at mga kalamidad. Kulang din tayo ng tinatayang 6.5 milyong bahay, ayon sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).
Ito ang binigyang-diin ko sa aking manipestasyon noong Martes sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Urban Planning, Housing, and Resettlement. Kailangang tutukan ng ating pamahalaan ang kakapusan ng maayos na tirahan sa ating bansa.
Tinukoy ko rin na ang kawalan ng tahanan ay resulta ng mga kalamidad, kahirapan, kawalan ng hanapbuhay at limitadong access sa abot-kayang pabahay. Ito ang dahilan kaya patuloy kong isinusulong na maisabatas ang Senate Bill No. 192, na naglalayong ma-institutionalize ang Rental Housing Subsidy Program. Sa ilalim nito, ang housing and social protection program ay palalawakin para magkaloob sa mga biktima ng kalamidad ng mas maayos at abot-kayang access sa formal housing market sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng pamahalaan ng ayuda para sa kanilang renta sa bahay.
Kaakibat ng panukalang-batas na ito ang pangarap nating lahat na sana ay magkaroon ng sariling maayos, ligtas at komportableng pamamahay ang bawat Pilipino at ang kanilang mga anak. Sana’y magtulungan ang gobyerno at ang lahat na matugunan itong backlog sa housing.
Sa aking pag-iikot sa buong Pilipinas, naabot ko na ang mula Aparri at Batanes hanggang Jolo at Tawi-Tawi, ang kalagayan ng ating mga kababayan na nasunugan at tinamaan ng lindol.
Nasaksihan ko talaga na nahirapan silang makabangon ulit. Back to zero talaga. Palagi kong sinasabi sa kanila na, “Huwag kayong mawalan ng pag-asa. Ang importante ay buhay tayo.” Magtulungan lang tayo, ang gamit ay nabibili, ang pera’y kikitain, subalit ang perang kikitain ay hindi nakakabili ng buhay. ‘Ika nga, a lost life is a lost life forever.
Kilala ang mga Pilipino sa pagtutulungan, ngunit kailangan pa rin nila ng tulong mula sa ating gobyerno. Kaya itong rental subsidy, sana ay maipasa ito para mabigyan lamang sila ng kahit anong halaga o kalahating halaga ng renta ng matitirhan nila habang hindi pa sila lubos na nakakabangon mula sa trahedya.
Isinulong ko rin ang Mandatory Evacuation Centers dahil konektado ito rito. Dahil sa tuwing nasusunugan ang ating mga kababayan, wala silang komportableng evacuation center. Minsan ay nagagamit ang mga eskuwelahan, naaantala at naaapektuhan naman ang pag-aaral ng mga bata dahil nagagamit ang mga silid-aralan, lalo ngayong face-to-face learning na ulit tayo. Minsan napapansin ko, sa ibang lugar, gumagawa na lang sila ng temporary tent sa tabi ng kalye. Kawawa ang kanilang kalagayan at dapat talagang tulungan ang mga ito.
Nagpahayag din ako ng “conditional support” para sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) na pinagbotohan sa Senado nitong Martes. Bagama’t sumang-ayon ako rito, nanawagan naman ako sa Ehekutibo na tiyaking matutupad ang pangakong hindi mapapabayaan ang mga labis na nangangailangan. Sila ang dapat na makinabang sa benepisyo, lalo sa nasabing kasunduan.
Dapat matiyak na may sapat na safeguards upang maprotektahan ang ating mga lokal na magsasaka at mga industriya kung sakaling mayroong masamang epekto ang RCEP.
Dapat ding mas palakasin pa ang ating sektor ng agrikultura at gawing mas competitive at resilient ang ating mga magsasaka.
Siguraduhin din natin na dahil mas maluwag na open competition, bababa ang presyo ng mga produkto dahil bawat piso ay importante sa mga ordinaryong mamamayang Pilipino.
Bilang Chair ng Senate Committee on Health, sa tulong ng Department of Health (DOH), kapwa ko mambabatas, at mga lokal na pamahalaan sa iba’t ibang bahagi ng bansa, patuloy nating pinalalakas ang ating healthcare system.
Noong Pebrero 23, nag-inspeksyon tayo sa itinatayong Super Health Center sa Rizal, Nueva Ecija. Matapos ito, pinangunahan natin ang pamamahagi ng ayuda sa mahihirap na residente sa lugar. Bumiyahe rin tayo sa Sto. Domingo, sa Nueva Ecija pa rin, para naman mag-inspeksyon din sa itinatayong Super Health Center du’n. Personal din nating pinangunahan ang pagkakaloob ng tulong sa mahihirap na residente sa lugar at tiningnan ang mga gusaling ating sinuportahang maitayo tulad ng tulay papuntang Aliaga para mapakinabangan ng mga tao ru’n.
Nagkaroon rin ng groundbreaking noong Pebrero 20 para sa itatayong Super Health Center sa Cabuyao City, Laguna. Nagpahatid tayo ng pasasalamat sa kanilang mga lokal na opisyal sa suporta sa pakikiisa sa mga programa ng pamahalaan sa pangunguna ng DOH na mapagkalooban ang kanilang mga nasasakupan ng de-kalidad na serbisyong medikal at abot-kaya.
Bukod sa mga basic na serbisyong maipagkakaloob ng Super Health Center na tulad ng modernong ospital, maaari rin itong maging vaccination site, lalo na sa mga bata gaya ng bakuna laban sa polio at measles. Karaniwan kasi, lalo na sa mga kanayunan ay malalayo ang bakunahan kaya nadi-discourage ang mga nanay na dalhin ang kanilang mga anak. Sa pamamagitan ng Super Health Center, mailalapit natin sa kanila ang serbisyong magpoprotekta sa kalusugan nila.
Patuloy naman ang ating isinasagawang pamamahagi ng ayuda sa mga kababayan natin sa iba’t ibang komunidad sa buong bansa na apektado ng iba’t ibang krisis. Katuwang ang mga lokal na opisyal at ilang ahensya ng ating pamahalaan, gaya ng dati ay maagap nating inaalalayan ang mga naging biktima ng sunog. Noong Pebrero 21 ay personal na kinumusta at tinulungan ang 210 na nasunugang pamilya sa Bgy. Addition Hills, Mandaluyong City. Lima sa kanila ay buntis na binigyan natin ng bonus na regalo.
Magiging future kumare ko rin ang mga ito dahil magiging ninong tayo ng kanilang magiging anak.
Naghatid din ang aking relief team ng ayuda sa iba pang nasunugan kabilang ang 36 na residente ng Bgy. 10, Bacolod City, at tatlo naman sa Bgy. Zone 1, Cadiz City na mga lugar sa Negros Occidental; 13 sa Bgy. Sto Niño, Tugbok District, Davao City; pito sa San Fernando City, Pampanga; at dalawa pa sa Bgy San Roque, Tarlac City, Tarlac. Sa Ibaan, Batangas ay pinagkalooban din natin ng tulong ang 454 na mahihirap na residente.
Pinuntahan rin ng akong staff ang Medical and Dental Mission sa Sibalom, Antique upang magpadala ng karagdagang tulong.
Hindi titigil ang inyong Senador Kuya Bong sa paghahatid ng serbisyo sa lahat ng Pilipino sa abot ng aking makakaya. Magtulungan lang tayo at suportahan ang mga programa ng pamahalaan na mapagkalooban ang bawat pamilya ng mas ligtas at komportableng buhay.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments