ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | August 26, 2021
Para maiwasan ang pag-urong ng kaalaman ng kabataan dahil sa mahigit isang taong pagsasara ng mga paaralan, naghain ang inyong lingkod ng panukalang-batas na nagsusulong sa remedial program sa buong bansa. Sa pamamagitan nito, ang mga mag-aaral ay makatatanggap ng libreng tutorial sessions.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2355, ang naturang programa ay kikilalanin bilang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program. Kabilang sa magiging benepisaryo ng ARAL Program ay ang mga hindi nag-enroll noong School Year 2020-2021 at iyong mga nahihirapan sa Language, Mathematics, at Science. Saklaw ng ARAL ang tinaguriang most essential learning competencies sa Language at Mathematics para sa Grade 1 hanggang Grade 10, at Science para sa Grade 3 hanggang Grade 10.
Upang linangin naman ang critical at analytical thinking skills ng mga mag-aaral, bibigyang-prayoridad ng programa ang Reading o pagbasa na kabilang sa mga most essential learning competencies sa ilalim ng Language. Layon din ng panukalang programa na linangin ang mga foundational skills ng mga mag-aaral sa Kindergarten upang iangat ang kanilang literacy at numeracy competencies.
Isasagawa ang mga tutorial sessions sa pamamagitan ng face-to-face, online, o blended learning kung saan maaaring isagawa tuwing weekends ng school year o kaya naman ay tuwing semestral breaks.
Magsisilbing tutor para sa ARAL ang mga guro at para-teachers na bibigyan ng karampatang sahod para sa kanilang serbisyo. Ang mga kuwalipikadong mag-aaral sa kolehiyo ay maaaring mag-volunteer bilang tutor na dapat makapasa sa mock tutoring session na isasagawa ng Department of Education (DepEd). Ang kanilang mga serbisyo para sa dalawang semestre ay ituturing na pagkumpleto ng Literacy Training Service sa ilalim ng National Service Training Program (NSTP).
Magiging mandato naman sa mga Public Telecommunication Entities (PTEs) ang pagbibigay sa mga mag-aaral at tutor ng libreng access sa online educational platforms ng DepEd, kabilang ang mga digital libraries at iba pang online knowledge hubs.
Layon din ng programang ARAL ang pagbibigay ng nutritional, social, emotional, at mental health support sa mga mag-aaral. Isinusulong din ng panukalang-batas ang mga mass awareness campaigns upang hikayatin ang mga mag-aaral na magbalik-eskuwela. Kabilang sa mga hakbang na isinusulong upang matugunan ito ay ang pagkakaroon ng flexible dates sa enrollment, pagpapatuloy ng school feeding programs, pagkakaroon ng sapat na pasilidad sa sanitation at hygiene at pagpapatupad ng mga public health protocols.
Sa pamamagitan ng isinusulong nating ARAL Program, maiiwasan natin ang pag-urong ng kaalaman ng mga mag-aaral at matutulungan natin silang makahabol sa kanilang pag-aaral. Ito ay magiging bahagi ng pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa pinsalang dulot ng pandemya.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments