ni Ryan Sison @Boses | Abril 9, 2024
Para sa mga pamilyang apektado ng pagtatayo ng North-South Commuter Railway project, hindi sila ililipat sa mas malayo sa kani-kanilang tahanan.
Ayon kay Philippine National Railways (PNR) Chairman Michael Macapagal, ipinag-utos nina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at Transportation Secretary Jaime Bautista na ang relocation ng mga apektadong residente ay sa loob dapat ng mga lalawigan na kanilang kasalukuyang tinitirhan.
Nagbigay ng halimbawa si Macapagal na kung ang isang pamilya ay nakatira sa Bulacan, sila ay ililipat sa ibang lugar pero sa loob din ng Bulacan.
Aniya, ang pagpili ng relocation site ay isa sa mga alalahanin ng mga apektadong residente sa tuwing may mga proyekto ang gobyerno, lalo na pagdating sa train systems at mga highway na nakasasakop sa mga residential areas, displace communities.
Mas gusto kasi ng mga residente na ilipat o i-relocate sila na malapit sa kanilang orihinal na tirahan para hindi mahirap sa kanilang kabuhayan at madali pa ring ma-access ang mga mahahalagang serbisyo gaya ng mga paaralan at health facilities.
Sinabi ni Macapagal na nagpapatuloy pa rin ang pag-uusap hinggil sa financial compensation para sa mga apektado ng relokasyon, pero sinimulan na ng government housing agencies ang paggawa ng “alternative settling facilities” para sa kanila. Aniya, nagsimula na ito sa Metro Manila at sa Laguna, habang gagawin ito sa kahabaan ng riles.
Kaugnay nito, sinabi ni Macapagal na kumpiyansa siya na ang natitirang mga isyu sa right-of-way ay ‘maisasaayos’ din habang nagsisimula ang 5-year construction ng North-South Commuter Railway project.
Mainam ang ginawa ng gobyerno na ilipat na lamang ang mga madi-displace na mga pamilya malapit sa mga lugar na kanilang inalisang tirahan habang ginagawa ang ating mga railway project.
Magiging mas madali na rin kasi sa kanilang pamumuhay, kabuhayan at trabaho kung doon din lang sila maninirahan dahil hindi na nila kailangang mag-adjust pa nang husto. Hindi rin mahihirapan ang kanilang mga anak na nag-aaral na mag-transfer pa ng ibang iskul. Kumbaga, na-relocate man sila ay residente pa rin sila ng naturang siyudad o lalawigan.
Ganito sana lagi ang gagawin ng kinauukulan, na inuuna ang kapakanan at kalagayan ng mga mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments