ni Lolet Abania | July 30, 2022
Magbibigay ang gobyerno ng Japan ng emergency relief goods para makatulong sa mga apektadong lugar matapos ang magnitude 7 na lindol sa Northern Luzon, batay sa Embassy of Japan in the Philippines.
Ayon sa embahada, ang emergency relief goods gaya ng generators, portable jerry cans, tents, sleeping pads, at plastic sheets ay ibibigay sa pamamagitan ng Japan International Cooperation Agency (JICA).
“In light of the humanitarian perspective and the close relations between Japan and the Republic of the Philippines, Japan has decided to provide emergency assistance to the Philippines to support people affected by the earthquake,” saad ng embassy sa isang statement na inisyu nitong Biyernes.
“Japan will continue to carry out assistance towards the earliest possible reconstruction of the affected area while taking into account the needs of the Philippines,” dagdag ng embahada.
Samantala, ang bilang ng mga nasawi dahil sa lindol na tumama sa Northern Luzon nitong Miyerkules ay umakyat na sa 10, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ayon kay NDRRMC spokesperson Mark Timbal ang mga katawan ng apat na indibidwal na nai-report na nawawala sa Abra ay natagpuan na.
Base sa kanilang 6AM report nitong Biyernes, sinabi ng NDRRMC na umabot na sa 136 ang nasugatan sa Ilocos, Cagayan, at Cordillera dahil sa lindol.
Mahigit sa 1,000 aftershocks ang nai-record sa ngayon matapos ang magnitude 7 na lindol sa Abra, batay sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Binanggit naman ni PHIVOLCS chief Renato Solidum na ang mga insidente ng aftershocks ay asahan na magpatuloy sa mga susunod na linggo.
댓글