ni Ryan Sison - @Boses | September 22, 2021
Habang kani-kanyang paghahanda na ang iba’t ibang local government units (LGUs) para sa pagbabakuna sa mga batang edad 12 hanggang 17, nagkaroon ng paglilinaw ang Department of Health (DOH) hinggil dito.
Kinontra ng DOH ang unang pahayag ng isa nilang opisyal at iginiit na hindi pa umano nila ganap na inirerekomenda ang pagpapabakuna sa mga btang nasa edad 12 hanggang 17.
Paliwanag ni DOH spokesperson Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hanggang ngayon ay pinag-aaralan pa ng kanilang Vaccine Expert Panel ang kaligtasan at ang pagiging patas ng pagbibigay ng COVID-19 vaccine sa naturang age group.
Gayunman, ito ay kabaligtaran ng unang pahayag ni Undersecretary Myrna Cabotaje na pumayag na ang VEP na bakunahan ang mga bata at tinitingnan na ang buwan ng Oktubre sa posibilidad ng pag-uumpisa nito. Ngunit paglilinaw ni Vergeire, posibleng ang tinutukoy ng opisyal ay ang emergency use authority na ibinigay sa Pfizer at Moderna.
Matatandaang una nang binigyan ng EUA ng Food and Drugs Administration (FDA) ang naturang dalawang manufacturers ng bakuna para sa mga bata, ngunit magagamit lamang ito sa mga bata kung maglalabas na ng rekomendasyon ang DOH at VEP.
Bagama’t marami pang pag-aaral na kailangang isagawa upang ganap nang payagan ang pagbabakuna sa kabataan, darating din sa panahong sila naman ang kailangang mabakunahan.
Kaya naman hangad nating magkaroon ng malinaw na panuntunan para maiwasan ang kalituhan, lalo na sa parte ng mga magulang.
Hindi naman natin minamadali, pero sana’y magkaroon ng magandang balita sa pag-aaral na ginagawa ng mga eksperto.
Kailangan na rin kasing mabigyan ng sapat na proteksiyon kontra virus ang kabataan, lalo pa’t aprubado na ang face to face classes sa mga lugar na mayroong mababang kaso ng COVID-19.
Isa pa, hangad nating maging ligtas at handa ang lahat sa oras na magsimula ang pagbabakuna sa mga kabataan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comentários