ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 13, 2023
Dear Chief Acosta,
Sinamahan kong mag-enroll ang aking anak noong isang araw at napansin kong sobrang punumpuno ng mga estudyante, mga magulang, at mga staff ng eskwelahan ang auditorium kung saan ginanap ang pag-e-enroll ng mga bata. Napansin ko ring kulang ang mga pintuan kung saan sila maaaring makalabas sakaling magka-sunog.
Nais kong malaman kung may nalabag bang batas ang nasabing eskwelahan sa kanilang ginawa? - Leo
Dear Leo,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan ay ang Section 8 (e) ng Republic Act No. 9514, o mas kilala bilang “Fire Code of the Philippines of 2008,” kung saan nakasaad na:
“Section 8. Prohibited Acts. - The following are declared as prohibited act and omission.
e) Overcrowding or admission of persons beyond the authorized capacity in movie houses, theaters, coliseums, auditoriums or other public assembly buildings, except in other assembly areas on the ground floor with open sides or open doors sufficient to provide safe exits.”
Samakatuwid, malinaw na ipinagbabawal ng batas na magpapasok ang mga sinehan, theaters, coliseums, auditoriums, o iba pang mga public assembly buildings, ng bilang ng mga taong hihigit sa kanilang kapasidad o authorized capacity ng kanilang gusali, maliban na lamang sa ibang assembly areas na nasa ground floor at bukas ang mga gilid o may bukas na mga pinto na dapat ay sapat upang ligtas na makalabas ang mga taong nasa loob nito. Ibig sabihin, maaaring nalabag ng eskwelahan ng iyong anak ang nasabing batas na ito. Alinsunod sa Section 11 ng parehong batas, maaaring mapagmulta ng hanggang P50,000.00 o/at mapahinto ang operasyon ng sinumang lalabag sa batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments