top of page
Search
BULGAR

Regulasyon at requirements sa pagbebenta ng agricultural at fishery products

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Nov. 19, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Nagbabalak akong pumasok sa industriya ng paggawa ng produktong pang-agrikultura. Nais ko ring magrenta ng isang pasilidad para sa aking negosyo. Nauunawaan ko na may mga batas o regulasyon na nararapat kong sundin. Upang makasiguro lamang, may batas ba na nagsasabi na kailangan kong magtago ng mga talaan ng gayong negosyo? At gaano katagal dapat itago ang mga ito?  Salamat sa inyong magiging kasagutan. — Pau-Pau


 

Dear Pau-Pau,


Upang malaman ang wastong kasagutan sa iyong katanungan, maaari nating tingnan ang Seksyon 6 ng Republic Act (R.A) No. 12022, o “Anti-Agricultural Sabotage Act”, kung saan nakasaad na:


“Section 6. Regulation and Reportorial Requirements. - Upon effectivity of this Act, all persons engaged in a business involving agricultural and fishery products shall maintain records of their business, which shall be safely stored for five (5) years from the dates of transactions.


All persons with warehouses, cold storage facilities, or any property involved in the storage of agricultural and fishery products, whether owned, leased, or maintained through third persons, shall, upon effectivity of this Act, register the storage facilities with the appropriate regulatory agencies, stating therein:


(a) The name of the owner of the facility;

(b) The contractual arrangement for the use of the facility (whether leased or other arrangements), if applicable;

(c) The complete address of the facility;

(d) The agricultural and fishery products being stored in said facility;

(e) The maximum storage capacity of the facility for a particular product in bags, sacks, or kilos; and

(f) The inventory of any agricultural product in the facility at any given time.


They shall prepare a monthly report on the operations of the said facilities, which shall include an inventory of any agricultural product in the facilities at any given time, which shall be electronically submitted quarterly to the Council under Section 15 of this Act, through the regulatory agency. x x x”


Isa sa mga polisiya ng ating gobyerno, na ginamit para maisabatas ang Republic Act No. 12022, ay ang pagtataguyod ng pagiging produktibo ng sektor ng agrikultura, pagbibigay ng proteksyon sa mga magsasaka at mangingisda mula sa mga walang prinsipyong mangangalakal at importer, at pagtiyak ng makatwiran at abot-kayang presyo ng mga produktong pang-agrikultura at pangisdaan para sa mga mamimili sa ating bansa.


Ang isang paraan na inatas ng batas ay matatagpuan sa nabanggit na probisyon ng Republic Act No. 12022 kung saan inaatasan ang mga negosyong may kinalaman sa mga produktong pang-agrikultura at pangisdaan na magkaroon ng mga talaan ng kanilang negosyo at maiimbak ang mga ito sa loob ng limang taon mula sa petsa ng transaksyon.


Kung kaya bilang kasagutan sa iyong nabanggit na sitwasyon, kung ikaw ay nagnanais na pumasok sa negosyong may kinalaman sa produktong pang-agrikultura, nararapat lamang na magkaroon ka ng talaan ng iyong magiging negosyo at mga transakyon. Ang mga ito ay dapat ligtas na maiimbak sa loob ng limang taon mula sa petsa ng transaksyon. Ganoon din, kung ikaw ay nagbabalak na magrenta ng isang pasilidad para sa iyong negosyo, ang may-ari ng nasabing pasilidad ay inaatasan na irehistro ito sa naaangkop na ahensya ng gobyerno. Karagdagan dito, nais namin ipaalam sa iyo na ang hindi pagsunod sa nasabing probisyon ng batas ay may karampatang parusa alinsunod pa rin sa mga probisyon ng Republic Act No. 12022.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Bình luận


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page