ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | October 13, 2022
Bilang Representative ng 1-Rider Partylist ay totoong binubuhay natin ang paggamit ng motorsiklo, lalo na kapag wala tayong trabaho sa Kongreso at maraming lugar sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang ating na iniikot upang personal nating maramdaman ang karanasan ng ating mga ‘kagulong’.
Una ay nais kong maranasan gamit ang aking motorsiklo kung paano ang tama at ligtas na pagmamaneho, kung ilang oras naglalakbay at mula rito ay nakikita natin ang mga pangangailangan ng ating mga ‘kagulong’, lalo na sa kanilang kaligtasan sa kalye.
Isa sa mga hindi ko makalilimutang lugar na aking napuntahan ay ang Antipolo City, may bahagi sa kahabaan ng Sumulong Highway na kapag narating mo ang pinakatuktok ay kitang-kita ang buong Metro Manila at napakagandang pagmasdan, lalo na sa gabi na puno ng iba’t ibang klase ng ilaw.
Damang-dama naman sa umaga ang lamig na dulot ng napakababang ulap at ganito rin ang tanawin sa buong Metro Manila dahil kitang-kita sa ibabaw ng mga gusali ang maitim na ulap na tila humalo na sa mga ito ang napakaruming hangin.
Kahit wala namang banta ng pag-ulan ay kapansin-pansing kakaiba ang nakalutang na tila itim na ulap na indikasyon na talagang napakarumi na ng hangin na nilalanghap ng ating kababayan sa buong Metro Manila.
Base sa isinagawang pag-aaral ng Greenpeace Southeast Asia at ng Center for Research on Energy and Clean Air, ang usok mula sa mga sasakyang gumagamit ng gasolina, diesel at maging ang sinusunog na coal ang dahilan ng kamatayan ng maraming Pilipino.
At karamihan sa mga ito ay ang mga kababayan nating nasa lansangan araw-araw, tulad ang mga vendor, tsuper, konduktor, pasahero at higit sa lahat ay ang ating mga ‘kagulong’ na minsan ay may suot ngang helmet pero wala namang takip ang ilong at bibig.
Ayon sa kanilang ulat ay umaabot sa 27,000 katao ang binabawian ng buhay taun-taon dahil sa nakakalasong hangin, ayon sa pag-aaral ng mga eksperto at ikatlo ang ating bansa sa buong Asya na marami ang namamatay dahil sa air pollution.
Nakakabahala rin ang ulat na umaabot sa P304-B ang nawawala sa ating ekonomiya dahil lamang sa air pollution at 80 porsyento ng pinagmumulan nito ay ang mga sasakyang hindi maayos ang maintenance.
Base naman sa paliwanag ng Department of Health (DOH) ang hanging tinatamasa natin ngayon sa buong Metro Manila ay nagdudulot ng noncommunicable diseases kahit marumi ito sa ilong.
Ang mga sakit na nakukuha lamang umano dahil sa maruming hangin ay allergies, acute respiratory infections, chronic obstructive pulmonary diseases, cancer at cardiovascular diseases dahil maya’t maya nilang nalalanghap ang maruming usok ng mga sasakyan, mga sinusunog na basura, plastic, goma at iba pang harmful wastes.
Tulad niyan, libu-libo na ang namamatay dahil air pollution kaya dapat gumawa ng aksyon ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) para luminis ang hangin sa Metro Manila.
Dahil mahigit na sa sampung milyong rehistradong motorsiklo ang meron tayo sa buong kapuluan na mahigit pa sa tatlong milyong mas marami ang ating mga ‘kagulong’ kumpara sa lahat ng klase ng umaandar na sasakyan sa kalye sa buong bansa ay dapat din tayong maging responsable.
Huwag nating hayaang dumating ang panahon na masisi ang pagdami ng motorsiklo kaya mas dumumi na ang hangin, panatilihin nating malinis ang ibinubugang usok ng ating motorsiklo sa pamamagitan ng regular na maintenance.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments