top of page
Search
BULGAR

Regional specialty centers, para sa mas mahusay na paghahatid ng serbisyong medikal

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | August 30, 2023


Napakasarap sa pakiramdam kapag ang isang bagay na ating pinaghihirapan para maialay sa ating mga Kababayan ay nagkakaroon ng katuparan sa pamamagitan ng ating pakikipagtulungan kasama ang mga kapwa natin lingkod-bayan.


Kaya naman masayang-masaya tayo na ganap nang naging batas noong August 24, 2023 ang Republic Act No. 11959 o ang Regional Specialty Centers Act na tayo ang principal sponsor at isa sa mga may-akda sa Senado. Nakakuha ito ng 24-0 na boto sa Senado dahil sa pagsang-ayon ng aking mga kasamahan na makakabuti ito para sa lahat at makakatulong sa mahihirap, nasaan man sila sa ating bansa at anuman ang katayuan nila sa buhay. Ito ay simbolo ng ating pagkakaisa para sa kapakanan ng bawat Pinoy.


Ang Regional Specialty Centers Act ay isa sa mga prayoridad na batas ng kasalukuyang administrasyon at bahagi ng una at ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. Isinulong po natin ito bilang tayo ang Chair ng Senate Committee on Health, at bahagi ng ating adhikain na mapangalagaan ang kalusugan ng bawat Pilipino, lalung-lalo na ang mga mahihirap, hopeless, helpless at walang malalapitan maliban sa gobyerno.


Layunin ng bagong batas na ito na mailapit ang specialized medical care sa ating mga kababayan lalo na sa malalayong komunidad sa pamamagitan ng pagtatayo ng specialty centers sa mga regional hospitals ng Department of Health. Dahil dito, ang ating mga kababayan na may malalang karamdaman ay hindi na kailangan pang pumunta sa Maynila para magpagamot sa mga specialty hospitals tulad ng Philippine Heart Center o Lung Center dahil magkakaroon na ng ganyang specialty center sa regional hospitals na malapit sa kanila.


Kapag naitayo na ang mga Regional Specialty Centers sa mga existing hospitals sa iba’t ibang rehiyon, ang mga pasyente na nangangailangan ng special medical care -- lalo na ang mga nasa probinsya -- ay hindi na kinakailangan pang bumiyahe at gumastos pa para lang magpagamot sa mga specialty hospitals sa Maynila. Ang gobyerno na ang mismong maglalapit ng serbisyo medikal sa mga tao.


Sa pagpapatupad ng bagong batas, ang DOH ay makikipag-ugnayan sa National Specialty Centers para matiyak na ang specialty centers sa DOH hospitals sa buong bansa ay may mga dalubhasang personnel na may sapat na pagsasanay, bukod pa ang equipment na kakailanganin. Kung ano ang serbisyong kayang ibigay ng specialty centers sa Metro Manila, ganoon din sana ang serbisyong kayang ihatid ng regional specialty centers na itatayo.


Gaya ng madalas kong sabihin, walang Pilipino ang dapat mapag-iwanan pagdating sa kalusugan. Ang Regional Specialty Centers Act ay isang malaking hakbang patungo sa mas abot-kamay na serbisyong pangkalusugan para sa bawat Pilipino, nasaan man sila sa bansa.


Tumutugma rin ito sa ating layunin na magkaroon ng universal access sa serbisyong pangkalusugan. Kaakibat nito ang nauna nating isinulong na Malasakit Centers Act na tayo ang naging principal author at sponsor sa Senado, gayundin ang pagtatayo ng Super Health Centers sa buong bansa na nakapokus sa primary care, konsultasyon, at maagang pagkatuklas sa mga sakit ng mga residente.


Sa datos ng DOH, mahigit pitong milyong benepisyaryo na ang natulungan ng Malasakit Center program -- at patuloy pa itong nadaragdagan araw-araw. Nasa 307 SHCs naman ang napondohan noong 2022, at target nating makapagpatayo rin ng 322 ngayong taon.


Sa pagpasa ng Universal Health Care Law noong 2019 noong administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte at ang implementasyon kamakailan ng Konsulta benefit package ng PhilHealth, panibagong karagdagan ang Regional Specialty Centers Act sa mga repormang ating isinasagawa para mapalakas ang ating healthcare system. Sa pamamagitan ng Regional Specialty Centers Act, tinatanggal natin ang mga hadlang sa kalusugan at dinadala ang serbisyong medikal nang mas malapit sa ating mga kababayan.


At dahil bisyo ko ang magserbisyo, patuloy ang ating ginagawang pag-alalay sa ating mga kababayang nahaharap sa iba’t ibang krisis.


Noong Lunes, August 28, nakiisa tayo sa sambayanang Pilipino sa pagdiriwang ng Araw ng mga Bayani. Personal din nating pinangunahan ang pamamahagi ng tulong sa 1,000 estudyante sa Parañaque City kasama si Congressman Gus Tambunting. Pinaalalahanan natin ang mga kabataan na puwedeng maging hero rin po sila in their own ways. Malaki po ang kanilang maiaambag sa ating bansa kung pahalagahan nila ang kanilang edukasyon bilang tanging puhunan natin sa mundong ito. Sila po ang kinabukasan ng ating bayan!


Naglibot at nag-abot din ng tulong ang aking opisina sa iba’t ibang komunidad tulad ng 606 na mahihirap na residente ng Dauis, Bohol; 530 sa Buenavista, Guimaras; 142 na magsasaka at mangingisda sa Alegria, Cebu; 38 sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija; at 33 pa sa Mabalacat, Pampanga.


Nitong August 27, Linggo, ay personal din nating dinaluhan ang selebrasyon ng 50th Anniversary ng Pentecostal Missionary Church of Christ (4th Watch) sa New Clark City Athletics Stadium sa Capas, Tarlac. Dumalo rin ang mga kapwa ko mambabatas na sina Senator Robin Padilla at Senator Raffy Tulfo sa pagtitipon. Nagpasalamat ako sa pagkilala nila sa ating pagseserbisyo sa pamamagitan ng Apostle Arsenio Ferriol Award of Excellence for Public Service and Governance na kanilang ibinahagi sa akin. May pagkilala man o wala, patuloy akong magseserbisyo sa aking kapwa dahil naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


Kung may mga napagtagumpayan man tayo, hindi tayo dapat huminto sa pagtatrabaho para makapaghatid ng kaginhawahan sa buhay ng bawat Pilipino.


Patuloy nating isusulong ang mga panukala at programa na makakatulong sa mahihirap para masolusyunan ang mga hamon na dumarating sa ating bansa. Hindi ako pulitikong mangangako, sa halip ay gagawin ko po ang aking makakaya upang masuklian ang tiwalang ibinigay ninyo sa akin na pagserbisyuhan kayong lahat.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page