top of page
Search
BULGAR

Regional Specialty Center, para maabot ang mas maraming mahihirap na may sakit

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | January 17, 2024


Ibinahagi kamakailan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na nakapagpatayo na ang ating pamahalaan ng 131 specialty centers sa buong bansa hanggang noong December 2023 at naglaan ng PhP11.12 bilyon ngayong taon para makapagpatayo pa ng mas marami. 


Sinimulan ang programang ito noong panahon pa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, at nagpapasalamat tayo kay Pangulong Marcos na naging prayoridad niya at ipinagpatuloy ang pagpapatayo at pagpaparami ng mga specialty centers sa buong bansa.


Matatandaan na bilang chair ng Senate Committee on Health, tayo ang naging principal sponsor at isa sa mga may-akda sa Senado ng Republic Act No. 11959, o ang Regional Specialty Centers Act, na naging ganap na batas noong August 24, 2023. Si Senate President Migz Zubiri naman ang tumayong principal author at co-sponsor ng naturang batas. 


Ang RA 11959 ay isang malaking tagumpay sa ating adhikain na maihatid ang de-kalidad na serbisyong medikal sa ating mga kababayan maging sa malalayong komunidad — lalo na sa mahihirap, hopeless, helpless at walang malalapitan maliban sa pamahalaan. 


Bilang inyong principal sponsor, ako ang nag-defend nito sa Senado. Nakakuha tayo ng boto na 24-0 sa Senado dahil sang-ayon din ang ating mga kasamahan na makakabuti ito para sa lahat, at makakatulong sa mga mahihirap. 


Ano itong specialty center? Ang Philippine Heart Center, ang Lung Center, at ang National Kidney Transplant Institute ay lahat nasa Quezon City. Ang mga kababayan nating nasa Zamboanga Peninsula, halimbawa, kailangan nilang pumunta pa ng Maynila at bumiyahe ng napakalayo. Bukod sa gastos pampaopera, problema pa nila ang pamasahe at gastos dito dahil kadalasan sa kanila ay walang matirhan, walang kamag-anak dito, at walang malalapitan. 


Noong panahon ni dating Pangulong Duterte ay mayroon nang ilang specialty center sa Southern Philippines Medical Center sa Davao City. Pero napakarami pa ring lumalapit sa amin hindi lang para magpagamot, kundi humihingi rin ng pamasahe para bumiyahe papuntang Maynila kasi narito ang mga specialty hospitals na kayang gumamot sa kanila. Kaya napakaimportante nitong RA 11959 o Regional Specialty Centers Act dahil kahit sinong Pilipino, nasaan man sila sa bansa, ay dapat magkaroon ng access sa specialty medical services. 


Ngayon, ang multiyear plan ng gobyerno na na-institutionalize na dahil sa batas ay magkakaroon ng iba’t ibang specialty center sa mga regional hospital under Department of Health sa buong bansa mula 2024 hanggang 2028. Makakapagpagamot na at magkakaroon na ng access sa specialized healthcare ang mga nasa malalayong lugar — sa dulo man ng Luzon tulad sa Cagayan Valley, maging sa mga kapuluan ng Visayas, o kanayunan sa Mindanao. Saan mang sulok o rehiyon ng bansa, magkakaroon na ng access sa mga serbisyong pangkalusugan para sa cardiac care, cancer treatment, neurosurgery, at iba pang specialized medical interventions. 


Higit sa lahat, hindi na nila kailangang bumiyahe pa patungong Philippine Heart Center sa Quezon City halimbawa para magpaopera sa puso. Doon na mismo sa kanilang mga existing DOH regional hospital na malapit sa kanila sila lalapit. Iyan ang tinatawag nating Regional Specialty Center. Nakapaloob ito sa Philippine Development Plan 2023 to 2028 ng ating pamahalaan. Isa ito sa mga paraan na mailapit natin ang serbisyong medikal sa ating mga kababayang mahihirap na walang matakbuhan kundi ang mga government hospital.


Bilang vice chair ng Senate Committee on Finance, sinuportahan natin ang pagpopondo sa pagtatayo ng regional specialty centers dahil kailangan talaga nating mag-invest sa ating healthcare system. Sabi ko nga, pera n’yo naman ‘yan, pera ng tao ‘yan. Huwag na natin silang pahirapan at ilapit natin sa kanila ang serbisyong nararapat lalo na pagdating sa kalusugan. Tandaan natin na ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino. 


Bukod naman sa pangangalaga sa kalusugan ng bawat Pilipino, tuluy-tuloy rin ang ating paghahatid ng serbisyo at tulong sa ating mga kababayan sa abot ng ating makakaya. 

Dumalo tayo noong January 13 sa ginanap na pagtitipon ng ating mga overseas Filipino workers sa Davao City. Ang mga ito ay miyembro ng OFW Global Movement for Empowerment at ng OFW We Rise as One. Kinikilala natin ang sakripisyo at ambag ng ating mga bagong bayani para sa ating bansa. 


Nasa Cebu City naman tayo noong January 14, at inuna nating binisita at inalam ang kalagayan ng mga biktima ng sunog sa Barangay Carreta, bago natin sinaksihan ang pagdiriwang ng Sinulog sa lalawigan sa imbitasyon ni Governor Gwen Garcia, kasama ang iba pang lokal na opisyal at mga kapwa ko lingkod bayan. Nagkaloob tayo ng tulong at mga pangunahing pangangailangan para sa 154 na pamilyang nasunugan. 


Kasama si dating Pangulong Duterte, noong January 15 ay dumalo tayo sa funeral mass ng yumaong si Archbishop Emeritus Fernando Capalla na ginanap sa San Pedro Cathedral sa Davao City.


Masaya ko namang ibinabalita na kahapon, January 16, sa Davao City pa rin ay sinaksihan natin ang ribbon cutting ceremony ng itinayong Super Health Center sa Brgy. Los Amigos, gayundin ang isa pa na itinayo naman sa Brgy. Toril. Matapos ito ay sinaksihan din natin ang groundbreaking ng itatayo naman sa Brgy. Dumoy.


Pinangunahan din natin ang oathtaking ceremony ng mga civil engineer ng lungsod na ginanap sa Dusit Thani Hotel.


Naghatid naman ang aking Malasakit Team ng dagdag na tulong para sa ilang mahihirap na residente ng Quezon City katuwang si Councilor Mikey Belmonte.


Natulungan din ang 21 residente ng Malangas, Zamboanga Sibugay na naging biktima ng insidente ng sunog. Naayudahan naman ang 180 na kababayan nating nawalan ng hanapbuhay sa Toboso, Negros Occidental katuwang sina Mayor Madonnah Jaojoco at Councilor Richard Jaojoco, na nabigyan din ng Department of Labor and Employment ng pansamantalang trabaho.


Ang pagpapatayo ng regional specialty centers ay simbolo ng ating pagkakaisa at determinasyon na gawing abot-kamay ang specialized healthcare services para sa lahat.


Umaasa tayo na sa pamamagitan nito ay lalo nating mapalalakas ang ating healthcare system at magiging accessible sa bawat Pilipino ang serbisyong medikal na kailangan nila para magkaroon ng malusog at matiwasay na buhay tungo sa mas ligtas at produktibong lipunan.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

תגובות


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page