ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Jan. 31, 2025
Photo: Sunshine Cruz, Atong Ang at Gretchen Barretto - FB, IG
Balitang-balita ngayon ang diumano’y pagsosoli ni Sunshine Cruz ng luxury car na iniregalo sa kanya ni Atong Ang.
Iba-iba ang reaksiyon ng mga netizens sa kanyang ginawa. May mga pumupuri sa hindi pagiging “Bilmoko Girl” ni Sunshine. Maaari raw na sinusubukan lang siya ng multi-millionaire businessman kung masisilaw sa mga materyal na bagay.
May ilan naman ang labis na nanghihinayang sa luxury car na isinoli ni Sunshine dahil milyones ang halaga nito. Besides, regalo ito sa kanya at hindi naman niya hiningi.
Anyway, marami ang naiintriga ngayon dahil kalat na ang tsikang split na raw sina Sunshine at Atong. At ang tsismis ay galing daw mismo sa kampo ni Gretchen Barretto.
Labis itong ikinagulat ng marami dahil nagbigay ng pahayag noon si Atong na gusto na niyang pakasalan si Sunshine Cruz.
Well, marami ang sumusubaybay sa love story nina Sunshine at Atong. Lahat ay nagtatanong kung tatagal kaya sila ng 5 years tulad nina Atong at Gretchen.
‘Yan ang inaabangan ng madlang people.
MARAMING fans nina Sen. Lito Lapid at Lorna Tolentino ang nagtatanong kung paano na raw ang tandem nila bilang Primo at Amanda sa Batang Quiapo (BQ) ngayong mawawala na ang character ng aktor-senador sa serye?
Ano na ang magaganap sa buhay ni Amanda kapag wala na ang Supremo?
Well, ngayong Pebrero ay magsisimula na ang campaign period. Tatakbo ulit bilang senador si Lito Lapid, kaya kailangan niyang sumunod sa ruling ng COMELEC.
Hindi na muna siya lalabas sa anumang TV show kahit guesting lamang. Kailangan ding mag-ikot ng team ni Lapid upang mangampanya.
Ganunpaman, nangako si Sen. Lapid na babalikan niya ang BQ pagkatapos ng midterm election sa Mayo. Sigurado naman na magagawan ng paraan ng writer ng BQ kung paano ibabalik ang kanyang character bilang si Primo.
Samantala, labis na ikinalungkot ni Sen. Lapid ang pagkamatay ng dalawang sundalo ng PA Infantry Division sa Basilan na tinambangan ng mga tauhan ng MILF (Moro Islamic Liberation Front). Nasawi sa naturang engkuwentro sina Cpl. Orland James Diamel at Pfc. Mark Bakat.
Labindalawa rin ang mga nasugatang sundalo ng PA 32nd Infantry Battalion.
Nangako si Sen. Lapid na magbibigay ng tulong at ayuda sa pamilya ng mga namatay at nasugatang sundalo. Umaapela rin siya sa MILF na irespeto ang peace agreement upang magkaroon ng kapayapaan sa Basilan.
Taong 2014 nang lumagda ang MILF sa Comprehensive Agreement ng Bangsamoro para sa kapayapaan sa Mindanao.
MAY request o panawagan ang mga viewers ng Pinoy Big Brother (PBB) ngayong may collab na ang Star Magic stars at GMA Sparkle artists. Tutal, PBB Celebrity Edition ito, kaya dapat ay pumili ng mga artistang may karisma, may kakaibang character at may colorful na buhay upang mag-create ng interest sa mga viewers.
‘Wag naman daw puro ‘no names’ o ‘the who?’ ang isabak sa PBB Collab. Mas exciting at kaabang-abang ang bawat episode kung malalaking artista ng ABS-CBN at GMA
Network ang maglalaban-laban habang nasa loob ng Bahay ni Kuya.
Balitang isang Kapuso star ang isasama bilang co-host ng PBB Collab, pero pahulaan muna ito ngayon kung sino siya.