top of page
Search
BULGAR

Red tape, tuluyang burahin para sa maunlad na kalakalan

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | April 28, 2024




Agarang Solusyon ni Sonny Angara

 

Sa loob ng napakaraming taon hanggang sa kasalukuyan, tuluy-tuloy ang ginagawang reporma sa internal processes ng gobyerno upang matiyak na magiging kaakit-akit ang bansa sa aspetong pagnenegosyo.


Walang puknat ang paglikha natin ng mga batas at polisiya na sumusuporta sa mas pinahusay na internal processing. Kabilang dito ang pag-streamline sa mga pamamaraang may kinalaman sa kalakalan.


Kung susuriin natin, maganda naman ang layunin ng pamahalaan sa pagsusulong ng mga repormang ito, subalit kasabay ng pagsusumikap ng gobyerno na gawing mas mainam ang serbisyo, sumasabay din ang mga reklamo kaugnay sa pagpapatuloy ng bureaucratic red tape. Ito rin ang matagal ng reklamo ng mga mamumuhunan sa bansa – na anila’y pangunahin nilang problema sa pagnenegosyo.


Paano nga naman uusad ang pagsisimula ng negosyo kung sa pagkuha pa lang ng business permits ay gumugugol na sila nang napakahabang panahon?

Kamakailan, narinig natin ang pahayag ng German Ambassador to the Philippines na si Andreas Pfaffernoschke tungkol sa pahirap na red tape sa Philippine investments.


Ipinahayag ni G. Pfaffernoschke ang pakikisimpatya sa mga negosyante sa bansa na dumaranas ng hirap sa mga dinaraanang proseso sa pagkuha ng business permits. Ang nakakalungkot, ayon sa German ambassador, may bahid ng matinding korupsiyon ang usaping ito.


Sa nakaraang dalawang dekada, may nakita naman tayong improvements sa pakikibaka natin sa red tape. Nariyan ang pagpasa ng mga batas na tutuglisa rito: ang RA 9485 o ang Anti-Red Tape Act (ARTA) at ang RA 11032 o ang Ease of Doing Business (EODB) Act.


Kasama ang inyong lingkod sa mga mambabatas na naging author ng mga batas na ito na naglalayong pabilisin at maayos ang lahat ng government transactions.


Sa ilalim ng ARTA, ipinatupad sa gobyerno ang no-noon break policy o pagpapatuloy ng serbisyo kahit oras ng tanghalian; ipinatupad din ang no fixing activities; easy-to-read IDs or nameplates upang madali para sa isang indibidwal na kilalanin ang isang personnel na umaasikaso sa kanyang transaksyon; ang pagkakaroon ng public assistance at complaint desks, at ang pagpapatupad ng Citizen’s Charter  ng ARTA kung saan may frontline services na magtuturo ng step-by-step procedure para sa anumang transaksyon.


Ang EODB naman ang sisiguro sa “3-7-20” o ang pagkumpleto sa mga simpleng transaksyon sa loob ng tatlong araw lamang. Para naman sa mga highly technical documents and transactions, dapat ay makumpleto ang pagproseso ng ahensya sa loob lamang ng 20 araw.


Sa ilalim ng ating iniakdang batas, ang Republic Act 11981 o ang Tatak Pinoy (Proudly Filipino) Act, mas binibigyang-diin dito ang pagpapatupad ng anti-red tape o ang tuluyang pagbura rito sa sistema ng gobyerno, gayundin sa mga regional at provincial branches ng government agencies.


Isinasaad sa batas na ito ang pagtatalaga ng green lanes sa concerned offices para mas mapabilis at mapaigsi ang pagproseso sa mga dokumento at ang pagre-release ng permits. Magtatalaga rin ng export green lane facility sa mga kuwalipikadong exporters para mas mapaaga ang pagproseso sa clearances ng kanilang export requirements, tulad ng importasyon ng mahahalagang raw materials at capital equipment sa ilalim ng regulasyon ng Bureau of Customs and Drug Administration at iba pang regulatory authorities.


Ikinatutuwa natin ang dedikasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos sa pagkompronta sa mga usapin na may kinalaman sa red tape. Sa katunayan, noong Pebrero 2023, ipinalabas ng Pangulo ang EO No. 18 na nanawagan sa pagtatalaga ng green lanes for strategic investments. At nitong April 18, 2024 lamang pinagtibay din  ng Pangulo ang Administrative Order No. 20 na nagtatalaga sa Department of Agriculture bilang ahensya na mangangasiwa sa mas maigsing pagproseso sa importasyon ng mga produktong agrikultural at pagtatanggal sa non-tariff barriers na sisiguro sa food security.


Hindi rito natatapos ang mga gagawin nating hakbang para matiyak na matutulungan natin ang mga mamumuhunan sa bansa. Marami pa tayong nakatakdang ipatupad sa tulong ng ating magagaling at masisipag na manggagawa, abundant resources at strategic location. Maraming naglalakihang kumpanya mula sa iba’t ibang panig ng daigdig ang makapagpapatunay na naging magaan sa kanila ang mamuhunan sa bansa dahil sa mga repormang ipinatupad ng pamahalaan sa kapakanan ng pagnenegosyo.


Ang dapat tutukan na lang natin ngayon ay kung paano pa natin mapararami at maaakit ang mga investor na mamuhunan sa bansa na posibleng mas maging madali kung tayo ay mas magiging competitive at kung mababawasan kung ‘di man tuluyang mabura ang mga problemang madalas kaharapin ng mga negosyante sa pagtatayo ng kanilang kalakalan sa Pilipinas.


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page