top of page

Recycled na medalyang pilak simbolo ng hirap noon ni Paalam

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 8, 2021
  • 2 min read

ni Gerard Arce - @Sports | August 08, 2021




Emosyonal na ipinahayag ni Olympic silver medalist Carlo Paalam habang ipinagmamalaki ang kanyang panalong pilak na medalya ay sinisimbolo ito ng kanyang hirap na pinagdaanan noong araw.


Ito po kase malaking bagay sa pamilya ko, kase scavenger ako dati eh, nangangalakal ako dati eh, may simbolo siya sa akin itong medal, kase galing siya sa mga gadgets na sira, may koneksyon sa buhay ko. Hindi ko nga inaakalang makukuha ko ito eh, parang may simbolo ito sa buhay ko, itong Olympic na ito, kase may koneksyon sa buhay ko, bago ako magstart dito, magboxing, mangangalakal ako dati. Gusto ko talagang magmedal dahil gusto kong isalita yung medal sa buhay kong ito, kase simbolo siya ng buhay ko kung saan ako galing,” wika ni Paalam sa panayam dito matapos ang laban.


Ang mga medalyang ipinamahagi sa Tokyo Olympics ay pawang gawa sa mga recycled materials tulad ng scrap metals, mga patapon na bahagi ng computers at cellphones na tunay namang nakabibilib ang ginawang ito ng Japan.


Dahil sa panalong silver medal ni Paalam ay maaaring makapag-uwi rin siya ng P17 million na insentibo mula sa pamahalaan ng Pilipinas ayon sa Republic Act No. 10699; isa pang P5 million galing sa MVP Foundation ni business tycoon at sports supporter Manny V. Pangilinan; at karagdagang P5 million sa San Miguel Corporation sa pamumuno ni Ramon Ang. Naglaan din ng P2 million na insentibo si 1-Pacman Partylists at Deputy Speaker Mikee Romero para sa magwawagi ng pilak na medalya sa Tokyo Games.


Kahit silver lang ang narating ng anak ko buong puso ang tinatanggap sa pamilya ko. Binuhos niya talaga ang kanyang kakayahan. Hindi ako nanonood, nasa malayo lang ako, pero parang sinusuntok rin ako sa dibdib. Hindi ko ma-express ang kaba at saya. Kahit yan lang ang narating mo, binuhos mo ang lahat ng kakayanan mo. Kahit lost ka win ka sa amin. Kami sa pamilya mo ang nagmamahal sa iyo,” wika ng ina ni Carlo.


Ito na ang pinakamaraming nakalap na medalya sa boksing ng Pilipinas sa kasaysayan ng Olympiad matapos maidagdag sa mga nagawa nina Anthony Villanueva sa 1964 Tokyo Olympics at Mansueto “Onyok” Velasco sa 1996 Atlanta Olympics. Mayroon ng kabuuang 4 na silver at 4 na bronze medals mula kina Jose Villanueva (1932 LA Olympics), Leopoldo Serrantes (1988 Seoul) at Roel Velaco (1992 Barcelona).

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page