top of page
Search

Recycled na mantika, delikado sa kalusugan

BULGAR

ni Ryan Sison @Boses | Mar. 9, 2025



Boses by Ryan Sison

Sa pag-aakala siguro na laging makakalusot ang mga kawatan sa kanilang ilegal na gawain, nabulilyaso rin sila at may naghihintay pa na kaukulang parusa sa kanila.


Sinalakay kasi ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang isang bodega sa Isabela, kasunod ng mga reklamo hinggil sa pagbebenta umano ng recycled cooking oil.


Batay sa report, nadiskubre ng mga otoridad ang naturang ilegal na operasyon at nakumpiska ang galon-galon na gamit na mantika na tinatayang nasa halagang P3.5 milyon.


Sa halip na itapon nang maayos, ayon sa kapulisan ang mga mantikang ito ay ini-reprocessed o muling ipinroseso para lumitaw na sariwa at pagkatapos ay ibinibenta uli sa publiko.


Ito ang kinumpirma ni CIDG Director Police Major General Nicolas Torre III kung saan aniya, ang recycled oil ay nagmula sa isang kilalang fastfood chain at pinoproseso ng isang third-party entity.


Giit ni Torre, imbes na itapon o i-dispose ang mga gamit na mantika, ang ginagawa nila ay nire-recycle pa. Paliwanag niya, may mga third party contractors na responsable talaga sa pagdi-dispose ng mga naturang produkto.


Mahigpit naman na binabantayan sa ngayon ng Food and Drug Administration (FDA) ang nasabing kaso.


Ayon sa mga pag-aaral ng World Health Organization (WHO), ang pagkonsumo ng paulit-ulit na used cooking oil o gamit na mantika ay nagpapataas ng panganib ng type 2 diabetes, sakit sa liver at cardiovascular disease.


Sa isang hiwalay na pag-aaral ng Singapore Food Agency, nag-uugnay din ng recycled cooking oil consumption sa mas mataas na risk ng cancer.


Binigyang-diin pa ni Torre na kailangang ang lahat ng ibinebenta ay dumaan muna sa kanila para sa inspeksyon, at anumang mga paglabag sa mga regulasyon ay maaaring humantong sa mga agaran at long term o pangmatagalang kumplikasyon. 


Gayunman aniya, nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Food and Drug Administration Act of 2009, Consumer Act of the Philippines, at Food Safety Act.


Dapat talagang maging mapanuri tayo at tingnang mabuti ang lahat ng ating mga binibili, lalo na sa mga pagkain. Hindi kasi natin batid ang lawak ng ilegal na operasyon ng mga mandarambong na ito at ang potensyal na epekto naman sa ating kalusugan kung sakaling atin itong makakain.


Mas mabuti rin siguro na palagi nating bilhin ang mga produktong FDA at DTI approved o ‘yung may mga naka-label sa pakete nitong nutrition facts, manufacturer at marami pang iba. Kahit paano ay safe itong kainin at siyempre hindi tayo mag-aalalang  peke ang mga ito dahil may mga tatak at dumaan talaga sa pagsusuri ng kinauukulan.


Huwag tayo basta bili nang bili habang maging maingat tayo sa ating mga kinakain. Isipin din natin na dapat may nutrients tayong makukuha sa bawat pagkain na pagsasaluhan ng ating pamilya.


Sa kinauukulan, patuloy sana sa ginagawang paghuli sa mga masasamang-loob at parusahan, nang sa gayon ay maubos na sila at mabawasan din ang kanilang bibiktimahin.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page