ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | October 21, 2023
Matatapos na, dalawang linggo na lamang mula ngayon ang mga isinasagawang pagdinig ng Senado sa individual budgets ng mga ahensya ng gobyerno. Sa tulong ‘yan ng mga subcommittee chairman ng ating pinamumunuang komite, ang Senate Committee on Finance.
Ang susunod na hakbang natin dito ay kakalapin natin ang mga rekomendasyon mula sa 15 subcommittee chairpersons na bubuo sa committee report ng Senado para sa 2024 General Appropriations Bill (GAB).
At bilang tayo ang chairman ng Finance Committee, nais nating agad masimulan sa Nobyembre 6, sa muling pagbubukas ng Kongreso ang pag-sponsor sa report na ito.
Maaasahan ninyo ang isang marubdob, masusi at malalim na diskusyon para sa panukalang P5.768 trilyong national budget para sa 2024.
At tulad ng nakagawian sa mga nakaraang pagdinig, lahat ng opinyon at amendments na nais ipasok ng ating mga kasamahan para rito ay ating ikokonsidera upang mabuo ang GAB version ng Senado.
Liban sa national budget, isa pang mahalagang panukala ang pinagkakaabalahan ng ating komite sa kasalukuyan – ang rebisyon ng Government Procurement Reform Act (GPRA).
Kamakailan, nagsagawa tayo ng pagdinig sa iba’t ibang panukalang batas na may kinalaman sa GPRA na inihain ng ating mga kasamahang sina Sens. Risa Hontiveros, Francis Tolentino, Pia Cayetano, Bong Revilla Jr., at Jinggoy Estrada. At siyempre, kasama ang ating mismong panukala, ang Senate Bill 2466 na naglalayong amyendahan ang GPRA para naman mas mapalakas ang batas na ito at mas makatulong sa kasalukuyang sitwasyon ng ating pinansiya.
Ang GPRA na iniakda ng namayapa nating ama, si dating Senate President Edgardo Angara, ay isinabatas noong Enero 2003 sa pamamagitan ng Republic Act 9184. At isang malaking karangalan ng bansa, maging ng aming pamilya na kilalanin at papurihan ang GPRA sa iba’t ibang panig ng mundo at ng iba’t ibang organisasyon tulad ng World Bank.
Nilikha ang batas na ‘yan upang mas maging transparent, mapahusay at maiadya sa anumang uri ng korupsiyon ang government procurement process. Ayon nga sa Department of Budget and Management, isa ang GPRA sa mga mabibisa at pinakamalalaking batas sa bansa laban sa korupsiyon.
Ngayon, dalawang dekada na ang nakalilipas mula nang maisabatas ang GPRA. At sa totoo lang, napakarami na ring nagbago. Napakaraming naging katanungan sa government procurement process natin sa kasalukuyan tulad ng underspending ng mga ahensya, napakabagal na infrastructure projects at ang napakatagal na pagproseso sa goods and services procurement.
Kumbaga, binuo nga ‘yung batas na ‘yun para mapaghusay ang procurement process natin, pero ang nangyari, mas naging inefficient ito sa kasalukuyan. Ito ang mga dapat bigyang pansin sa mga gagawing rebisyon sa batas na ito. Kahit nga si Pangulong Marcos Jr. sa kanyang ikalawang SONA nitong Hulyo, sinabi niya na makatutulong ang bagong procurement law at auditing code para mas maging akma sa patuloy na pagbabago ng panahon.
Sa rekomendasyon ng DBM, kung magpapatupad daw ng amended GPRA, kailangang magpatupad ng innovative procurement methods na naaayon sa methodology for assessing procurement system o MAPS. Binigyang-diin ng DBM na makatutulong din kung tuluyan nang ipatutupad ang digitalization at innovation para mas maging episyente at bukas sa publiko ang procurement process ng gobyerno.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Comments