ni Fely Ng - @Buhay Pag-Ibig at Pamilya | June 30, 2020
“Yes, I do,” Mga amigo at amiga, pamilyar, ‘di ba? Dahil nasa buwan pa rin tayo ng Hunyo, palaging kasalo sa usapin ang paglagay sa tahimik o pagpapakasal na kadalasan ay taon o higit pa kung paghandaan ng bawat pamilya ng magkasintahan.
Madalas, magulang ang nagtatanong kung talagang handa ka na sa susunod na kabanata ng iyong buhay, palaging maririnig ang mga negatibong komento tungkol sa hindi madali ang pagpapakasal at hindi basta-basta ang pagpapamilya, na nagbibigay ng takot o kaba, at minsan ay mapapadalawang-isip ka pa. Normal lamang na mag-alinlangan kahit in love ka. Sa dami ng mag-asawang hindi maligaya at mga pagsasamang nauuwi sa paghihiwalay, natural lang na pag-isipan mong mabuti ang desisyong babago sa buhay mo.
Subalit, talaga bang ready ka na? Maraming preparasyon ang ganitong sitwasyon. Kung nais mong makasiguro, isa-isahin natin ang ilang mga katanungan na dapat pinaghahandaan ng bawat magsing-irog.
1. Handa ka na bang gugulin ang mga susunod na bahagi ng iyong buhay sa isang tao? Ito ay tunay na malaking commitment. Ang kasal ay panghabambuhay na dapat seryosohin. Kasama rito ang pagbuo ng masayang pamilya, kaya dapat 100% sure na mahal n’yo ang isa’t isa nang walang magiging problema sa inyong pagsasama sa hirap man o ginhawa. Kaya mo na bang magkaroon ng limitasyon sa anumang desisyong kasama sya? Ito ay isa pa sa mga mahalagang katanungang dapat pinag-uusapan. Ang mga importanteng detalye tulad ng ilang anak ang dapat para sa ikabubuti sa pagbuo ng pamilya o kahit sa pinakamaliit na plano, palaging maging open sa isa’t isa sa lahat ng bagay at panahon na walang itinatagong reserbasyon upang maiwasan ang sisihan sa bandang huli.
2. Payag ka bang iwanan o iwasan ang lahat para sa kanya? Kadalasan, ang tanong na ito ay para sa kababaihan na mayroong naipundar na magandang karera, na kailangang iwanan para sa pagpopokus sa kanyang minamahal. Subalit kung minsan ay hindi pansin na sa simula pa lang ng relasyon, marami nang maliit na sakripisyo ang kalalakihan. Ang simpleng pag-iwas sa bisyo tulad ng alak, sigarilyo at barkada ay patunay lamang na kayang magsakripisyo para sa mahal niya.
3. Paano ang usaping pangkabuhayan? Tanong na dapat pinag-uusapan ngayon pa lang, maging tapat. Hindi porke lalaki ang madalas na may trabaho, siya pa rin ang masusunod sa pagba-budget. Hindi rin naman makatarungan kung si mister ang nagtatrabaho, pero hindi naman niya mahawakan kahit ang kanyang suweldo. Maging patas dahil partner sa buhay ang kasama mo at hindi alipin.
4. Normal lang ba ang magtalo? Kailangan mong maging mapagpasensiya. Ang pagtatalo o argumento ay normal sa buhay, kaya simulan mong maging maunawain habang wala pa ang wedding day dahil maaaring araw-araw ay harapin mo ang ganitong senaryo. Maraming bagay at sitwasyon na puwedeng pagtalunan at pagdaanan ng bagong kasal dahil ito ang panahon ng adjustment period.
Kung nakakasiguro ka na kaya mong panindigan ang lahat ng tanong, binabati na kita. Ang katotohanan, wala namang perpektong pagsasama. Respeto at pagmamahal sa isa’t isa ang sikreto ng buo at masayang pamilya. Kailangan mo lamang alisin ang anumang ilusyon o agam-agam at imulat ang sarili sa tunay na kaganapan ng buhay.
◘◘◘
Para sa anumang isyu, opinyon o problema na gustong i-share, magsend sa e-mail buhay.bulgar@gmail.com o sumulat sa Buhay, Pag-ibig at Pamilya at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.
Comments