ni Gerard Peter - @Sports | December 14, 2020
Muli nang nakabalik sa pagsasanay si dating 3-time UAAP champion at Japan B-League player na si Ferdinand “Thirdy” Ravena III matapos magnegatibo na ito sa testing sa nakahahawang novel coronavirus disease (Covid-19).
Matagumpay na nakuha ng 23-anyos mula Ateneo Blue Eagles ang mga pamantayan ng Ministry of Health, Labor and Welfare ng bansang Japan at nabigyan nang abiso na kanselahin na ang home medical treatment nito galing Medical Institution ng Toyohashi. Malaya na ulit itong makakabalik sa pagsasanay kasama ang kanyang koponang San-En Neophoenix na nakaranas ng magkakasunod na pagkatalo.
“Thirdy Ravena met the standards of Ministry of Health, Labor and Welfare has and he received notification of cancellation of home medical treatment from the medical institution in Toyohashi. He tested negative from Covid-19, so he is back in practice,” pahayag ng San-En Neophoenix sa twitter.
Maaari na ring mabigyan ng pagkakataon ang 3-time UAAP Finals MVP na makapaglaro sa susunod na laban ng koponan laban sa kulelat ring Levanga Hokkaido (4-15) sa Sabado at Linggo, ngunit magdedepende ito sa Neophoenix kung paglalaruin nila ang shooting guard Filipino import.
Pinawi ng nakababatang kapatid ni NLEX road warrior point guard Kiefer Ravena, ang pag-aalala ng mga malapit sa kanya, gayundin ang mga tagasubaybay at tagahanga na nasa maayos na kondisyon ito kasunod ng balitang tinamaan ito ng coronavirus noong isang buwan.
“All good over here. Appreciate all the love and concern over the past 24 hours. I feel well already but have to follow quarantine protocols indefinitely,” pahayag ni Ravena sa kanyang twitter account, sabay paalala sa lahat na huwag balewalain ang lupit ng naturang sakit at kinakailangang mag-ingat dahil nasa paligid lamang ang virus. “Just a reminder that the virus is still out there so let’s not take it for granted. Stay safe everyone! Much love,” ika nito.
Kasalukuyang kumakamada si Ravena sa San-En ng 12.0 points sa 36% shooting, kabiang ang 4.8 rebounds at 1.4 assists sa kabuuang 23.7 minuto ng paglalaro sapol ng unang beses itong maglaro sa koponan nitong buwan ng Nobyembre. Gayunman, nahihirapan ang kanyang koponan na makaangat sa team standings sa kartadang 2-17 sa dulo ng B-League 2020-21 season.
댓글