by News @Balitang Probinsiya | Oct. 16, 2024
Iloilo — Isang 62-anyos na lolong rapist ang nadakip ng pulisya kamakalawa sa kanyang hideout sa Brgy. Salngan, Passi City sa lalawigang ito.
Pansamantalang hindi pinangalanan ng mga otoridad ang suspek habang iniimbestigahan pa ito.
Ayon sa ulat, dinakip ng pulisya ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte kaugnay sa kinasasangkutan nitong kasong rape sa lalawigan.
Napag-alaman na may nagbigay impormasyon sa pulisya sa pinagtataguan ng suspek kaya agad pinuntahan at inaresto ng mga operatiba ang rapist na lolo sa naturang lugar.
Sumama at hindi na nanlaban ang suspek nang dakpin siya ng mga otoridad.
DRUG TRAFFICKER, ARESTADO
AKLAN -- Isang drug trafficker ang inaresto ng pulisya sa buy-bust operation kamakalawa sa Brgy. Estancia, Kalibo sa lalawigang oto.
Ang suspek ay kinilala ng mga otoridad na si Daniel Alayon, nasa hustong gulang at residente ng Roxas City, Capiz.
Nabatid na may tinanggap na impormasyon ang pulisya na nagbebenta ng shabu ang suspek kaya naaresto ito sa buy-bust operation.
Napag-alaman na nakakumpiska ang mga otoridad ng mga pakete ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng suspek.
Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
KELOT, TINEPOK NG UTOL
ISABELA -- Isang 36-anyos na lalaki ang namatay nang hampasin sa ulo ng palakol ng kanyang nakatatandang kapatid kamakalawa sa Brgy. Villapaz, Naguillan sa lalawigang ito.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Jimmy Lobendino, samantalang ang suspek ay ang kapatid nito na si Dario, 42, at kapwa nakatira sa nabanggit na barangay.
Ayon sa ulat, nagkaroon ng pagtatalo ang magkapatid hanggang kumuha ng palakol ang suspek at inihampas ito sa ulo ng biktima.
Agad dinala ng kanilang mga kamag-anak ang biktima sa ospital, pero idineklara itong dead-on-arrival.
Sumuko naman sa pulisya ang suspek na nahaharap sa kasong parricide.
ESTUDYANTE, TODAS SA HOLDAP
DAVAO DEL NORTE -- Isang estudyante ang namatay nang barilin ng isa sa dalawang holdaper kamakalawa sa Brgy. Manay, Panabo City sa lalawigang ito.
Sa kahilingan ng kanyang pamilya ay hindi na isinapubliko ng mga otoridad ang pangalan ng biktima na edad 18 at residente sa nabanggit na lungsod.
Ayon sa ulat, habang naglalakad ang biktima, kasama ang kanyang mga kaklase nang harangin sila ng dalawang holdaper na lulan ng isang motorsiklo.
Nabatid na nagtakbuhan ang mga kaklase ng biktima at naiwan ito, at nang kunin ang kanyang cellphone ay tumanggi ang estudyante na ibigay kaya pinagbabaril siya ng isa sa mga suspek.
Nagpalabas na ng manhunt operation ang pulisya para madakip ang mga suspek.
댓글