top of page
Search
BULGAR

Rape, mapatutunayan pa rin kahit wala na ang pasa at galos ng biktima

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 16, 2023


Dear Chief Acosta,


Ang apo ko ay sekswal na inabuso ng tiyuhin niya na asawa ng kapatid ng kanyang tatay. Ang nanay niya, na anak ko, ay nagtatrabaho bilang isang domestic helper sa ibang bansa.  


Ako naman ay matanda na, kaya hindi ko na rin siya maalagaan. Ang apo kong ito ay naiwan daw mag-isa sa kanilang bahay nang biglang dumating ang kanyang tiyuhin. Komo’t wala ang nanay at ang tatay niya ay nasa trabaho rin, siya ay napagsamantalahan ng mismong kaanak pa niya. Dalawang beses diumano ipinasubo sa kanya ang ari ng kanyang tiyuhin.  


Sinubukan diumano niyang pumiglas ngunit sinampal diumano siya at sinabunutan, sabay puwersahang ipinagawa ang nakakasukang gawain.


Sapagkat bata pa at nabalot ng takot, hindi diumano siya agad nakapagsumbong.


At dahil ilang buwan na ang nakalipas nang magkaroon siya ng lakas ng loob na sabihin sa amin ang karahasang nangyari sa kanya, naghilom na ang mga galos at pasa niya na sana ay magagamit na ebidensya upang mapatunayan na sinaktan at pinuwersa siya. Ang sabi sa amin ng taga-munisipyo ay kahit magpa-medical ang apo ko, naghilom na ang mga galos at pasa niya. Maaari pa rin ba kaming magreklamo?Sana ay malinawan ninyo ako. - Juliana


Dear Juliana,


Ang pagpapasubo ng isang tao ng kanyang ari, sa pamamagitan ng paggamit ng puwersa, pananakot o intimidasyon, ay maituturing na isang uri ng panggagahasa o Rape. Ito ay partikular na nakasaad sa Republic Act No. 8353, o mas kilala bilang “The Anti-Rape Law of 1997”, na nag-amyenda sa Article 226 ng ating Revised Penal Code.  Ayon dito:


“Article 266-A. Rape: When And How Committed. - Rape is committed:

  1. By a man who shall have carnal knowledge of a woman under any of the following circumstances:

a) Through force, threat, or intimidation;

b) When the offended party is deprived of reason or otherwise unconscious;

c) By means of fraudulent machination or grave abuse of authority; and

d) When the offended party is under twelve (12) years of age or is demented, even though none of the circumstances mentioned above be present.

  1. By any person who, under any of the circumstances mentioned in paragraph 1 hereof, shall commit an act of sexual assault by inserting his penis into another person's mouth or anal orifice, or any instrument or object, into the genital or anal orifice of another person.” 


Sa sitwasyon ng iyong apo, maaari pa rin ninyong isulong ang paghahain ng kaso laban sa kanyang tiyuhin na gumawa ng sekswal na karahasan sa kanya, kahit na naghilom na ang kanyang mga galos at pasa, kung malinaw niyang mailalahad ang bawat detalye ng kahalayang ginawa sa kanya. Bagaman ang mga galos, sugat, pasa, at kawangis na pisikal na ebidensya ay makakatulong sa pagtataguyod ng mga alegasyon laban sa salarin, ang kawalan ng mga ito dahil sa paglipas ng panahon ay hindi mangangahulugan na hindi na maisasampa ang reklamo.  


Hindi rin maikakahon ang maaari o dapat ikilos ng isang biktima ng panggagahasa, higit na hindi maaaring isapantaha na siya ay agarang magsusumbong sapagkat maaaring siya ay napagbantaan o natakot sa kahihiyang maaaring ibunga ng kanyang pag-amin.


Magkaganoon pa man, maaari pa ring mapatunayan ang alegasyon ng pamumuwersa, pananakot at intimidasyon sa pamamagitan ng malinaw at straight-forward na testimonya ng biktima.  


Kadalasan din, ayon sa ating hukuman, kung ang salarin ay malapit na kaanak ng biktima, tulad sa sitwasyon ng iyong apo, ang moral ascendancy ay pinagmumulan ng intimidasyon o takot sa biktima. Ipinaliwanag ng ating Korte Suprema, sa panulat ni Honorable Associate Justice Consuelo Ynares-Santiago, sa kasong People of the Philippines vs. Orlando Ubiña y Aggalut (G.R. No. 176349, July 10, 2007):


“x x x The force, violence, or intimidation in rape is a relative term, depending not only on the age, size, and strength of the parties but also on their relationship with each other.  Appellant is the husband of the victim’s aunt; as such, he is deemed in legal contemplation to have moral ascendancy over the victim.  It is a settled rule that in rape committed by a close kin, moral ascendancy takes the place of violence and intimidation.” 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page