ni Rey Joble @Sports News | Sep. 26, 2024
Inulan man ng 4-point shots mula sa Magnolia Hotshots, nagawa pa ring maitakas ng Rain or Shine ang makapigil-hiningang 109-105 panalo sa pagsisimula ng kanilang best-of-five quarterfinals series sa PBA Governors’ Cup sa Ninoy Aquino Stadium.
Mainit ang naging shooting ng Hotshots, partikular na si Jerrick Ahanmisi na nagpakawala ng apat sa limang tirada ng kanyang binitiwan mula sa four-point region.
Bukod kay Ahanmisi, bumanat din ng tig-isang four-point shot sina import Rayvont Rice at Aris Dionisio. May naipon ding limang 3-point shots ang Hotshots para patuloy na pahirapan ang Elasto Painters ni coach Yeng Guiao.
“We anticipated it. Ang sabi ko sa kanila kanina, kung matatalo man tayo, ang tingin kong puwedeng tumalo sa amin 'yung three-point shot at four-point shots nila,” ang sabi ni Guiao. “Yung ibang ginagawa nila kaya naming depensahan.” “Pero kahit na-conscious ka that they can make the three or four, iba pa rin sa actual.
Mahirap pa ring depensahan. That’s why part of the game plan is just to be able to lessen their efficiency. Mataas masyado 'yung 50% shooting sa four-point shot. That’s fantastic shooting.” Pero nakahanap ng solusyon ang Elasto Painters sa pamamagitan ng kanilang depensa. Isang field goal lang ang naitala ng Hotshots sa 5 minutong laban kung saan matagumpay na napigilan ng E-Painters ang opensiba ng Magnolia.
Mula sa 100-91 na kalamangan ng Hotshots, nagdoble-kayod ang Rain or Shine sa paghahabol kung saan limang sunod na puntos ni Andrei Caracut, isang tutukang tira ni import Aaron Fuller ang nagbalik sa kanila sa laban.
Isa pang lay-up ni Caracut at isang three-point basket ni rookie Caelan Tiongson ang nagbalik sa Rain or Shine sa trangko, 103-102, may 1:25 pa ang nalalabi. Anim na free throws sa pagitan nina Caracut, Fuller at Jhonard Clarito ang sumelyo sa panalo ng Elasto Painters.
Comments