ni Mylene Alfonso @News | August 13, 2023
Nasamsam ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-Intellectual Property Rights Division, ang nasa P206 milyong halaga ng pekeng Louis Vuitton sa isinagawang pagsalakay nitong Agosto 9 sa Bulacan, Pasay at Parañaque.
Kabilang sa sinalakay ang isang bodega sa Bgy. Tabe, Guiguinto, Bulacan, apat na stalls sa LRT Shopping Mall sa Pasay City at isang stall sa Micar Shopping Center sa Parañaque City.
Ayon sa NBI, nagresulta ang operasyon sa pagkakakumpiska sa 1,588 piraso ng pekeng Louis Vuitton products.
Nabatid na nagreklamo sa NBI ang kinatawan ng LV dahil sa umano'y laganap na bentahan ng mga pekeng sa mga nabanggit na lugar.
Nagsagawa muna ng test buy ang NBI at nang makumpirma ay isinagawa ang pagsalakay.
Sasampahan ng kasong paglabag sa R.A. 8293 (Intellectual Property Code of the Philippines) ang mga may-ari ng establisimyento.
Комментарии