ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | June 29, 2021
Idinispatsa ni Anton “The Dragon” Raga ang hamon ni double world champion Ronnie “The Volcano” Alcano sa kanilang duwelo sa finals upang makaakyat ang Cebuano sa trono ng pinakaunang edisyon ng Quezon City 10-Ball Cup sa palaruan ng Hard Times Sports Bar sa Lungsod ng Quezon. “Anton sakalam!”, “Congratz Idol.”, “Congrats bai. Bisaya ne.”, “Sana mabigyan ng break si Anton sa USA. Congrats Idol” at “Congratulations Champ!” ang ilan lang sa mga pagbati na nakita sa social media patungkol sa tagumpay ng 23-anyos na Cebuanong minsan nang nagmarka sa labas ng bansa bilang runner-up ng malupit na China Open.
Dikdikan ang banggaang Raga-Alcano sa simula ng huling laro ng torneo. Napunta ang iskor sa 1-1 at 4-3 pabor kay Raga. Pero unti-unting nakadistansiya ang Pinoy Dragon sa kartadang 6-3 at 8-4 hanggang maging 13-5 na ang nakaukit sa scoreboard. Sa puntong ito, nakasikwat ng puntos si Alcano, 48-taong-gulang at tubong Laguna, para maging 13-6. Pero sa muling pagsargo, bokya ang inabot kaya’t tuluyan nang nakuntento sa pangalawang puwesto ang manunumbok na naging hari ng 9-Ball (2006) at 8-Ball (2007) sa buong daigdig.
Nagbulsa si Raga ng Php 250,000 bilang kampeon habang halagang Php 100,000 ang naging pabuya para kay Alcano. Napunta kay Kyle Amoroto ang pangatlong puwesto at ang pakonswelong Php 30,000. Ang tatlo ay tumanggap din ng iba’t-ibang taas (pinakamalaki sa nagkampeon) ng pasadyang tropeo na miniature ng pamosong landmark sa Quezon City (Quezon Memorial Circle).
Nakita sa paligsahang nilahukan ng 64 cue artists ng bansa ang mga upset nina Amoroto (dumaig sa batikang si Antonio Lining), Jericho Banares (makasingit kay Jeffrey De Luna), Bryant Saguiped (tumalo kay Marlon Manalo) at Jonas Magpantay (biniktima si 2x Japan Open king Johann “Bad Koi” Chua).
Comments