ni Mercy Lejarde - @Showbiz Talkies | October 13, 2021
Sa mediacon ni senatorial candidate Raffy Tulfo, hiningan namin ng komento ang broadcast journalist tungkol sa mga DDS na nagbanta na mag-a-unsubscribe sa kanyang YouTube channel dahil sa isyu sa kanila ni President Rodrigo Duterte.
Bukod sa negatibo sa panlasa ng mga DDS supporters ang nabalita na tatakbo bilang bise-presidente si Raffy na siyang posisyon na nauna nang nabalitang tatakbuhan ni Pangulong Duterte, nabigyan din ng ibang interpretasyon ang pagge-guest ng broadcast journalist sa A.S.A.P. Natin 'To ilang Linggo na ang nakakalipas.
Dito ay nabanggit ni Raffy ang pagkawala ng franchise ng ABS at ang pagbabanggaan diumano ng 16 milyong DDS sa halos 50 milyon niyang subscribers.
Inulan nang katakut-katakot na pambabatikos si Raffy mula sa mga DDS at nagbanta na mag-a-unsubscribe na sila sa social media accounts nito.
Ayon kay Raffy, ang pag-a-unsubscribe ay opsiyon sa YouTube at may mga tao na ine-exercise ito. Karapatan ito ng kahit na sino at wala siyang anumang sama ng loob sa mga gumawa nito sa kanya.
Nang tanungin din namin kung nakapag-usap na ba sila ni Pangulong Duterte para maibigay naman ang panig niya sa isyu, paliwanag sa amin ng broadcast journalist, hindi pa sila nagkakausap at alam niya na maraming problema itong kinakaharap mapa-tungkol sa bansa o sa personal man nitong buhay.
Pero kung may mga malalapit na tao sa pangulo na gagawa ng paraan para makapag-usap sila, matutuwa at buong-puso siyang papayag kaagad.
Sa banta naman ng BIR na bubuwisan na ang mga YouTubers na kumikita nang malaki sa kanilang mga channels, sang-ayon dito si Raffy dahil siya ay nagbabayad ng buwis. Para sa broadcast journalist, dapat lang na magbayad ang mga YouTubers na tulad niya dahil kumikita sila at nararapat lamang na ibahagi ito sa bayan.
Bilang tumatakbong senador sa ngayon, ang kagustuhan na higit na makatulong sa mga nangangailangan ang nagbigay ng rason kay Raffy para tumakbo at magsilbi sa bayan sa pamamagitan ng pulitika.
Comments