ni Angela Fernando - Trainee @News | March 15, 2024
Nagsumite ng kanyang tugon si Pastor Apollo Quiboloy para sa isang show cause order ng Senado nitong Biyernes kaugnay ng imbestigasyon sa mga pang-aabuso na iniuugnay sa kanya at sa relihiyosong grupong Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Isinumite ni Quiboloy ang mga dokumento sa pamamagitan ng kanyang mga abogado at opisyal na tinanggap ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.
"We followed the order and submitted within the required 48 hours from the morning of March 13," saad ng abogado ni Quiboloy na si Atty. Elvis Balayan.
Kinumpirma niyang tinanggap ang kanilang tugon bandang 8:40 ng umaga ngayong araw.
Matatandaang ang show cause order na inilabas nu'ng Marso 13 ay nagtakda kay Quiboloy na magpaliwanag sa loob ng 48-oras kung bakit hindi siya dapat na arestuhin at ikulong sa Office of the Senate Sergeant-at-Arms para sa kanyang pagtangging dumalo sa pagdinig ng komite ng Senado kahit na may imbitasyong ibinaba para dito.
Samantala, maghihintay naman ang kampo ni Quiboloy ng tugon mula sa Senado bago gumawa ng legal na hakbang.
Comments